Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kita hindi dinedeklara! 250 milyonaryong vlogger buking ng BIR

0 223

Walang kawala sa pagbabayad ng buwis sa pamahalaan ang mga social media influencer matapos na ihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umaabot sa 250 ang kanilang iniimbestigahan dahil sa hindi pagdedeklara ng kanilang kita.

Ayon kay BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa, inisyal na listahan pa lang ito ng mga social media influencer na kumikita ng ilang milyon sa vlogging pero dedma sa kanilang obligasyon s gobyerno.

Ipinaliwanag ni Guballa na self-employed ang mga vlogger at ang kanilang kita sa digital media ay itinuturing na business income sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 97-2021 na inisyu ng BIR noong Agosto 16.

Kabilang aniya rito ang mga kumikita sa YouTube partner program, sponsored na social at blog posts, display advertising, pagiging brand representative o ambassador, affiliate marketing, pagsali sa pagbuo ng isang produkto, pagsusulong ng sariling produkto, pagbebenta ng larawan at video, digital courses, subscriptions at e-books, podcasts at webinars.

Dagdag ni Guballa, kailangan ding ideklara ng mga social media influencer ang halaga ng tinatanggap na libreng produkto kapalit sa promosyon nito bilang kita.

Ayon pa sa circular, bubuwisan din ang royalty na tinatanggap ng mga ito sa YouTube partner program mula sa ibang bansa.

May kapangyarihan aniya ang BIR na makakuha ng impormas­yon mula sa foreign tax authorities alinsunod sa itinatakda ng Exchange of Information (EOI) kaya hindi maitatago ng mga ito ang kanilang kita.

Dahil dito, pinayuhan ni Guballa ang mga social media influencer na boluntaryo ng magdeklara ng kanilang kita at huwag nang hintayin na pormal na maimbestigahan dahil sa posibleng tax evasion at mapatawan ng civil penalty na 50% sa buwis o deficiency tax.

Idiniin ng opisyal na mahaharap sa kasong kriminal ang mga social media influencer na mandaraya sa isusumiteng impormasyon sa kanilang kita at tatakas sa pagbabayad ng buwis sa ilalim ng Tax Code.

Kasunod ito ng imbestigasyon sa sikat na mag-live in partner na kumita umano ng 50 hanggang 100 milyon sa loob ng dalawang taon pero nagbura umano ng kanilang YouTube Channel para makatakas sa kanilang obligasyon sa pamahalaan. (Mia Billones/ Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.