Una sa Balita

Kinurakot na road user’s tax itataas ng 300%

0 278

PANIBAGONG dagdag-pasakit sa bulsa ang posibleng kaharapin ng mga karaniwang motorista simula sa susunod na taon matapos ipanukala ni House Committee on Ways and Means chair at Albay Rep. Joey Salceda na itaas nang higit sa 300% ang motor vehicle user’s charge (MVUC) o mas kilala sa tawag na Road User’s Tax.

Base sa panukala ni Salceda sa ilalim ng House Bill No. 4695, ang dating P800 MVUC fee para sa mga passenger cars na may gross vehicle weight (GVW) na 1,600 kilograms (kg) pababa ay papalo ng hanggang sa P3,056 pagdating ng Enero 2022.

Bukod pa sa nasabing halaga ang mga registration fee at gastos sa emission test.

Ang pangkaraniwang sasakyan naman may GVW na hindi lalagpas ng 2,300 kg ay papalo na sa P6,876 sa susunod na tatlong taon mula dating P1,800 lamang.

Ang mga lagpas naman sa 2,300 kg GVW ay sisingilin na ng P15,280 mula dating P4,000.

Ang mga “utility vehicles” kagaya ng pick-up trucks na tumitimbang ng hanggang 2,700 kg ay magbabayad ng P3,820 pagdating ng Enero 2022 mula sa dating P1,000 lamang base sa panukala ni Salceda habang ang mga SUV na tumitimbang ng 2,700 kg ay magbabayad ng hanggang P4,393.

Samantala, ang mga motorsiklo na mababa sa 400cc ay walang babayaran na MVUC kung lulusot ang HB 4695 ni Salceda.

Lumalabas na tanging mga motorcycle rider lamang ang makikinabang sa panukalang batas na inihain sa Kamara ni Salceda.

Paliwanag ni Salceda, lilikom ang gobyerno ng abot sa P32.61 bilyon kada taon kung sakaling ipasa ng Kongreso ang nasabing panukalang batas.

50% ang taunang koleksyon ng MVUC ay mapupunta sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act of 2019 samantalang ang nalalabing kalahati ay mapupunta para sa modernisasyon ng mga public utility vehicles (PUV).

Matatandaan na ang corruption sa paggamit ng pondo mula sa road user’s tax ang naging daan para ipabuwag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Road Board na siyang humahawak dati ng pondo. Sa ginawang pagbuwag sa board, direkta nang mapupunta sa National Treasury ang koleksyon ng buwis mula sa mga sasakyan. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy