Una sa Balita

Kinsentenaryo, ano ito?

By
0 119

Kinsentenaryo? Hindi ito tungkol sa sexist na ad ng isang alak noon. Kung naaalala ninyo ang Sentenaryo ng kasarinlan noong 1998, o ang sesquicentennial o 150 years nina Rizal, Bonifacio at Mabini noong 2011, 2013, at 2014 kapwa, may pinagha­handaan muli ang pamahalaan at simbahan. Ang kinsentenaryo ang isa sa pinakamalaking selebrasyon ng ating kasaysayan na magaganap!

Quincentennial, ang ibig sabihin ay 500 years. Kung gayon, ano ang limang daang taon na at kailan ito magaganap?
Kung naaalala ninyo si Yoyoy Villame, siya na yata ang pinakaimplu­wensyal na tagakuwento ng kasaysayan dahil sa kalokohan niyang kanta naaalala ng marami ang katagang “On March 16, Fifteen Hundred Twenty-One, when Philippines was discovered by Magellan.” Siyempre ‘di na natin sinasabing disco­very of the Philippines ‘yan dahil perspective ng Europeans ‘yan pero tama, sa 2021, 500 taong ­anibersaryo na po ng pagdating ni ­Magellan sa Pilipinas.

Naglabas na noon pang May 8, 2018 ng Exe­cutive Order ang ating Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos na maitatag na ang isang steering committee para sa tatlong taong pagha­handa para sa paggunita. Ang National Historical Commission of the Philippines sa pamumuno ni Chair Rene Escalante ay ang acting chairman habang ang secretariat naman ay pinamumunuan ni Ian Alfonso. Kasama sa komite ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan at maging ang Catholic Bishops’ Confe­rence of the Philippines.

Mahalaga si Magellan sa kasaysayan ng kabihasnang pandaigdig, pero dahil siya ay nagtangkang manakop sa atin, may kaakibat na mas mahalagang ipagdiriwang sa 2021 ng komite: Ang pagda­ting ng Katolisismo sa Pilipinas at lalong-lalo na ang pagwawagi ni Lapu-Lapu sa Mactan.

Kaugnay nito, planong gawin ang pambansang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Mactan sa June 12, 2019 bilang kick-off ng Kinsentenaryo. Gayundin, binabalak na ring maanyayahan ng Pilipinas ang Santo Papa upang muling dumalaw sa 2021.

Sa aking pag-aaral ng Kasaysayan ng Public History, mga milestone events na ganito ang nagtutulak ng interes sa bayan sa ating mga ba­yani, subalit wala pang selebrasyon noon na nag-highlight ng ating sariling kabihasnan na nadatnan o naenkuwentro ng mga Espanyol. Samakatuwid, ang Kinsentaryo ay mahalagang pagkakataon na maipaki­ta ng ating sinaunang kultura.

Sa Biyernes, November 9, magkakaroon ng una sa mga focus group discussion sa Balanghai Hotel and Convention Center sa Butuan upang maresolba kung saan ba naganap ang Easter Sunday Mass nina Magellan na pinagdedebatehan ng Butuan at ng Limasawa, Leyte. Muling binuksan ang kaso upang marinig ang mga bagong ebidensya. Pero pagkakataon na rin ito na maipakita na ang Butuan ay “cradle of civilization” na ng ating mga ninuno.

Sa interes ng pamahalaan na muling ipakilala si Lapu-Lapu bilang isang personahe sa kasaysayan, sana maisama nating maalala sa Kinsentenaryo ni Magellan ang naabutan niyang Pilipinas na kanilang kinamanghaan.