Una sa Balita

Kinawawang tatlong lola

0 359

Sa ating mga Pinoy, matindi ang paggalang at pagkalinga natin sa ating mga nakatatanda o senior citizens. Kaya naman hindi kataka-taka kung marami tayong mga ka­tsokaran na uminit ang bumbunan nang malaman nila ang sinapit ng tatlong magkakapatid na senior citizens sa China dahil sa isang airline.

Pero bago ‘yan, nais nating ipaabot ang ating pakikiramay sa pagpanaw ni dating Environment Secretary Regina Paz ‘Gina’ Lopez, matapos ang makikipag­laban niya sa brain cancer. Sumakabilang buhay siya sa edad na 65.

Marami ang nalungkot sa biglaan niyang pagpanaw dahil na rin sa dami ng kaniyang natulungan at mga isina­gawang adbokasiya, partikular sa panga­ngalaga sa kalikasan. Katunayan, aba’y marami siyang nakabanggang mining company dahil sa ginawa niyang pagpapa­sara at pagpapasuspindi sa mga mining firm na hindi sumusunod sa itinatakdang patakaran para mapangalagaan ang kalikasan.

Hinihinala nga na ang pagbangga niya sa mga mining firm ang naging dahilan kaya hindi siya nakalusot sa Commission on Appointment at tuluyan na siyang naalis sa pagiging kalihim ng DENR. Ano kaya ang masasabi ng mga mambabatas na miyembro noon ng CA na nagbasura sa kumpirmasyon ni Madame Gina? Pati na ang ibang nag-imbento ng mga intriga tungkol sa kaniyang pagkatao.

Pero anuman ang mga intrigang ibinato sa kaniya, ang malinaw, nag-iwan si Gina Lopez ng magandang marka tungkol sa pa­ngangalaga sa kalikasan at kapwa tao. Ang atin pong pakikiramay sa kaniyang mga naulila.

Balikan na natin ang kuwento ng tatlong magkakapatid na lola na sina Pacita de Duzman, 77-anyos; Josefina Varela Baysic, 70; at Erlinda Varela Guce, 72, na mga dating guro sa Quezon City. Ga­ling kasi sila sa ilang buwan na bakasyon sa US at pabalik na sana sa Pilipinas sakay ng eroplano ng China Eastern Airlines.

Related Posts

Mula sa US, lalan­ding sila sa Shanghai, China para sa kanilang connecting flight pa-Maynila. Pero dahil sa masamang panahon, nalipat ang biyahe nila sa Wuhan, China, at doon na nagsimula ang kanilang kalbaryo nang tuluyang makansela na ang kanilang biyahe pauwi. Kung sa ibang airlines, sasagutin nila ang tutuluyan ng mga ‘stranded’ na pasahero, lalo na siguro ang mga nakatatanda.

Dahil hindi na nila magamit ang kanilang cellphone dahil nasa China na sila, may kababayan silang nakausap at ipinasabi sa kanilang naghihintay na kaanak sa airport sa Pilipinas na kanselado na ang kanilang biyahe. Noong una, pinatuloy naman daw sila ng airlines sa hotel, pero pinabalik din daw sila kinalaunan sa airport gayung hindi naman pala sila naka-book sa biyahe at ‘chance passengers’ lang. Ang siste, nag-abang nang nag-abang ang mga matatanda, dala ang kanilang mga bagahe.

At habang nasa airport, walang umalalay sa kanila para makontak ang mga kaanak nila sa Pilipinas na nag-aalala na sa kanilang sinapit lalo pa’t isang linggo na silang hindi nakakausap. Wala ring makuhang impormasyon ang kanilang mga kaanak sa mga tanggapan ng airline. Ang masaklap pa nito, may nakialam din daw sa mga bagahe ng mga lola at nawalan pa sila ng gamit.

Sa madaling kuwento, nakarating sa media ang paghahanap ng mga kaanak nila sa tatlong lola. Pagkaraan nga na maibalita, aba’y bigla silang nakatanggap ng email na makakauwi na ang mga nakatatanda. At nitong nakaraang Linggo ng dakong 11:00 pm, nauwi na ang tatlong magkakapatid. Ang tanong ng ating kurimaw na takot sumakay ng eroplano, makakauwi kaya noong Linggo ang tatlong senior citizens kung hindi lumabas sa media na hinahanap na sila ng mga kaanak?

Ang isa pang magandang tanong, ganun-ganun na lang ba ‘yon? Nakauwi ang tatlong nakatatanda at tapos na ang lahat? Papaano ang abalang ginawa ng airline sa kanila? Ang emos­yonal na pahirap na kanilang pinagdaanan? Maibabalik ba ang mga nawala nilang gamit? May magagawa ba ang Civil Aeronautics Board (CAB) para masampahan ng reklamo ang China Eastern Airlines?

Hanggang sa isinusulat natin ito, wala pang pahayag na inilalabas ang airline para ipaliwanag kung bakit inabot ng mahigit isang linggo na ‘starnded’ sa China ang tatlo nating senior citizens na idineklara namang ‘missing’ ng kanilang mga kaanak sa Pilipinas. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy