Una sa Balita

Kinatatakutan ni Vargas nangyari na

By
0 372

Mukhang nangyari na ang kinatatakutan ni POC president Ricky Vargas na baka maapek­tuhan ng politika ang preparasyon ng bansa bilang host ng Southeast Asian (SEA) Games ngayong taon.

Bagama’t nasa campaign period pa lamang ang mid-term elections sa Mayo ay umaksyon na ang Senado.

Inihayag kamakailan lamang ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chairman Alan Peter Cayetano na binawasan ng Senado ang P7.5 billion para sa gastusin sa hosting ng SEAG ng 33 porsiyento.

Himutok ni Cayetano, mabuti sana kung ang binawas na budget ay napunta sana sa edukasyon at health care para hindi naman nakakasama ng loob.

Ang siste, ang nabawas na P2.5 billion ay mapupunta umano sa mga proyekto ng mga senador.

Wow, tila may katwiran si Cayetano na maghimutok at mag-alburuto at naganap na rin ang kinatatakutan ni Vargas.
Anyway, hindi pa naman huli ang lahat at may pagkakataon pa sina Cayetano, dating Foreign Affairs secretary, POC at PSC mai­salba ang sitwasyon.

Sisikapin nina Caye­tano, Vargas at PSC chairman Butch Ramirez na makapangalak ng P1 billion para kahit na paano ay maipantakip sa binawas na pondo.

May nakatakda ring pulong ang tatlo kay Executive Secretary Salvador Medialdea upang kumunsulta sa hakbang na maaari nilang gawin kaugnay sa binawas na malaking pondo.

Sinasabi na sakaling hindi matakipan ang nawalang pondo, malaki ang magiging epekto nito sa hosting ng Pilipinas sa 2019 SEAG.

Isa na rito ang hangad na muli ­tayong tanghaling overall champion at mapantayan kung hindi man malampasan ang hosting ng Singapore at Malaysia.

Huling tumayong host ang Pilipinas sa biennial meet noong 2005 kung saan gumastos ang pamahalaan ng P500 million at itinanghal na kampeon sa 10-bansang kalahok.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy