Una sa Balita

Kinasuhan sa utang na P17K

By
0 338

Dear Atty. Claire,

Gud day po. May tanong po ako. May nag-file na daw po sa akin ng kaso regarding sa utang ko sa bank na ‘di ko nabayaran. May iniwan po contact sa barangay namin at nang tinawagan ko po ‘yung number ay may naka­usap po ako.

Sabi sa akin na taga-NCRPO daw po sila at may nag-file daw po kaso sa akin… ano po ba ga­gawin ko? Totoo po ba na makakasuhan ako sa halagang 17k?

Gumagalang,
Dolly

Dolly,

Malamang sa ­hindi na ang natawagan mo ay isang collection agency na kadalasan ay gumagamit ng pananakot tulad ng ginawa sa iyo na gumamit pa ng pangalan ng NCRPO ­para ikaw ay agarang magbayad sa bank na nag-engage ng services nila para sa pa­ngongolekta.

Upang mawala ang takot mo ay punta­han mo ang bank na pinagkakautangan mo upang mabayaran ang utang kahit paunti-unti.

Sa halagang P17,000 ay maaari kang makasuhan depende kung paano ka ba nagkautang. Kung loan lamang at walang tseke kang naibigay o na-issue na tumalbog kalaunan o kaya naman ay walang cre­dit card kang ginamit ay simpleng collection of sum of ­money with damages ang maaaring maisampa sa iyo.

Ngunit kung may tumalbog kang tseke o gumamit ng credit card ay maaari kang masampahan ng criminal case for Estafa, violation of BP 22 (Bouncing Checks Law) o ‘yung tinatawag nating Access Device Regulation Act para sa credit card na ‘di nabayaran.

Ang utang ay utang na dapat binabayaran. Puntahan kaagad ang bank at makipag-­ugnayan kung paano mo babayaran ang natitirang utang. Nasa kamay mo na ang susunod na mangyayari.

***

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.