Una sa Balita

KINALIWANG MISTER, NAGBIGTI

By
0 9

Sa tindi ng sama ng loob matapos matuklasan na may ibang karelasyon ang kanyang ‘kinakasama’, minabuti ng isang tricycle driver na wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng kanyang barung-barong kamakalawa ng hapon sa Port Area, Maynila.

Ayon kay PO3 Aldeen Legaspi, imbestigador ng Manila Police District-homicide section, nakilala ang biktima na si Robert Clasara, 24, ng Barangay 356, District 3, Sta. Cruz, Maynila.

Dakong alas-singko ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng isang barung-barong sa Baseco Compound, sa Port Area.

Bago ang pagpapakamatay, natuklasan ng biktima na ang kanyang live-in partner na si Analyn Cabilyo, ay may relasyon sa ibang lalaki, na kilala sa alyas ‘Buboy’.

Huli umanong nakita ang biktima na balisa kaya nagpasya si Cabil­yo na umalis na lamang ng bahay at nagtungo sa bahay ni Buboy.

Dakong alas-4:30 ng hapon nang inihatid pa umano ni Buboy si Cabilyo sa pag-uwi ng kanilang tahanan ngunit laking gulat nito nang madiskubreng patay na ang biktima at nakabigti ang leeg sa kisame, gamit ang isang kadena.

Si Buboy pa mismo ang nagbaba kay Clasara sa pagkakabigti at kaagad nilang ini-report ang insidente sa barangay, na siya namang nagsumbong sa Baseco Police Community Precinct (PCP).

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na walang foul play sa insidente batay sa salaysay ng testigong si Michelle Viana sa pulisya, na dakong alas-kuwatro ng hapon ay nakita niya ang biktima na may kausap na isang ‘di kilalang babae at nagsasabi umano ito na nais na niyang magpakamatay.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.