Una sa Balita

Kinahoy

0 439

Pagbigyan n’yo na. Minsan lang ako magsentimyento sa espasyong ito. Hindi ko na nga matandaan ang huli.

Para sa araw na ito, gusto kong bigyang pansin ang salitang ‘kinahoy’. Sa amin dati sa Bulacan, ang kinahoy ay nangangahulugan ng pagkuha sa pakikinabangang bahagi ng isang sirang gamit.

Kinahoy dahil ang mga gamit naman talaga noon ay gawa sa kahoy. Kinahoy ang haligi ng isang ni-remodel na bahay para gamitin pa o i-recycle. Kinahoy ang mesa. Ginamit ang mapakikinabangan pa.

Ganito sana ang ideal na kahulugan ng kinahoy. Pero, dahil nga sentimyento, ibang uri ng pagkahoy ang nangyari sa minamahal kong lugar, minamahal kong tambayan, sa Lucban, Quezon.

Mula noong ikasal ako noong 2004, iti-nuring ko nang sari-ling bayan ang Lucban. Nagturo ako sa unibersidad dito nang halos dalawang taon bago mapadpad sa matandang unibersidad sa Maynila. Gayunmang lingguhang makauwi, pinahahalagahan ko ang bayan, ang bawat sulok nito tulad ng sa-riling tahanan. At isa sa pinakaginigiliw kong lugar sa bayan ay ang Cafe San Luis.

Restawran, tamba-yan, inuman ang Cafe San Luis. Nasa sentro ito ng bayan, halos wala pang limampung metro ang layo sa mismong munisipyo at sandaang metrong mahigit lamang mula sa simbahan.

Hindi katulad ng karaniwang estruktura, parang garden restaurant ang Cafe San Luis. Nayayabungan ng ma-laking puno ng mangga ang kabuuan ng establisimyento.

Batuhan ang nilalakaran at sa landas ay may ilaw mula sa ni-recycle na pulang plastik na bote ng ketsap. Maganda ang ine-emit na ilaw ng pulang plastik.

Sa loob ng mahigit sampung taon, ang Cafe San Luis ang ginawa kong tambayan, o higit sa tambayan, sala ng tahanang bayan ng Lucban. Kapag may panauhin ako, standard na tumambay sa Cafe San Luis.

Sa tagal ng pagiging suki ko, kilala ko na ang mga tumatao sa lugar. Kabesado ko na ang menu lalong-lalo na ang natatanging chilled lambanog na hindi mabibili o mararanasan sa ibang restawran. Tanging Cafe San Luis lamang ang makaka-gawa, ang makakapag-serve ng nagyeyelong mumunting botelya ng lambanog.

Lahat halos ng pana-uhin ko sa Lucban, lagi nang may magandang karanasan sa Cafe San Luis: nasarapan sa pagkain, nagandahan sa lugar, nasiyahan sa kuwentuhan at karanasan. At halos lahat ay binalak makabalik. Pero ang malungkot, wala nang babalikan.

Nagsara noong nagdaang Oktubre ang Cafe San Luis upang bigyan daan ang diumano’y pagtatayo ng isang branch ng fastfood chain. Hindi natuloy. Pero naroon pa rin ang iniwang bakas ng Cafe San Luis. Naroon pa rin ang malabay na puno, naging sukal na nga lang dahil walang naglilinis. Hanggang nitong nagdaang mga araw, tumambad ang larawan sa akin ng dating lugar: pinutol ang malaking punong mangga.

Ang puno ang ta-nging alaala ng Cafe San Luis. Malaki ang ibinibigay na lilim ng punong ito kahit pa nagsara na ang paborito kong tagpuan sa Lucban. Ngunit ito ay hindi kinonsidera sa pagkahoy sa puno. Sana lang, dumaan sa proseso ang pagputol at pagpatay sa puno. Dahil hindi lamang ito tagpuan para sa akin, dito umusbong ang maraming alaala at pagkakaibigan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy