Una sa Balita

Kim Dy ‘Di nagpaawat, DLSU vs FEU sa korona!

By
0 1,181

BIBIYAHE sa ika-10-sunod na Finals appearance ang De La Salle ­University (DLSU) Lady ­Spikers makaraang dispatsahin sa tatlong set ang National University (NU) Lady Bulldogs, 27-25, 25-22, 25-11, sa kanilang Final Four encounter kahapon sa Mall of Asia Arena.

Tangan ang twice-to-beat advantage, hindi na hinayaan ng top ranked La Salle na makahirit ng rubbermatch ang delikadong No. 4 seed National University kaya inararo na ng mga ito ang panalo.

Bukod sa 10-sunod na Finals appearance, ika-18 rin ito sa nagdaang 20 seasons para sa La Salle.

Inako ni Kianna Dy ang opensa ng Lady Spikers na tumrangko ng 17 points katuwang sina Tin Tiamzon at reigning MVP Mary Joy Baron na may pinagsanib na 20 puntos.

Tinapos ni Jaja Santiago ang kanyang collegiate career sa bisa ng 17 points. Naging emosyunal sina Santiago at Risa Sato na hindi napigilang mapaiyak dahil sa kabiguan.

Sa unang dalawang set ay nakipagmatigasan pa ang Lady Bulldogs at nagbadyang agawin ang set victory, pero namayani ang tibay ng loob ng three-peat seeking Lady Spikers.

“Na-develop na nila ang karak­ter at maturity sa mga ganitong sitwasyon,” ayon kay DLSU multi-titled coach Ramil de Jesus.

Magsisimula ang Game 1 ng titular showdown sa pagitan ng Lady Spikers at Lady Tamaraws sa Abril 28, Sabado. (Elech Dawa)