Una sa Balita

KILLER FLOOD!

By
0 2

Malakas at halos walang patid na buhos ng ulan na nagpabaha at nagpalambot ng lupa ang kumitil sa 5-katao sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at lalawigan ng Iloilo nitong nakaraang linggo.

Base sa pang-alas-otsong situational report kahapn ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isang bangkay ang narekober sa Nagtahan Pumping Station sa Sampaloc, Manila noong Biyernes, at nitong Sabado ay isang magka­patid naman ang nasawi sa pagguho ng isang firewall sa Oroqueta St., Sta. Cruz, Manila.

Kamakalawa rin, isa ang naiulat na nasawi nang mabagsakan ng gumuhong pader ang isang barong-barong sa Mariana, Quezon City.

Noong Miyerkules naman ay nasawi ang 68-anyos na si Benedicto Brasileño nang tangayin ng agos sa Malbug River sa Iloilo.

Samantala, dalawang landslides ang naitala sa lalawigan ng Rizal dulot ng pananalasa ng Habagat.

Sa ulat ni Dong Alonzo ng Rizal Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), sa unang pagguho ng lupa ay apat na bahay ang naapektuhan sa San Mateo, kung saan 23-katao ang naninirahan.

Makalipas ang ilang sandali, isa pang landslide ang nangyari sa kalapit ding lugar, kung saan dalawang bahay naman ang napinsala.

Wala namang nasaktan sa pangyayari ngunit inalerto na rin ang mga residente sa nasabing bayan na agad lumikas kung magpapatuloy ang matinding pag-ulan.

Kaugnay nito, iniulat ni NDRRMC Undersec. Ricardo Jalad sa panayam ng himpilang dzMM na patuloy pa rin nilang mino-monitor ang panahon.

Tiniyak din ni Jalad na sapat ang food packs sa mga evacuation centers.