Una sa Balita

Kilalanin ang mga batang ‘visionary’ ng Fatima!

0 429

Bukas, Pebrero 20, ipagdiriwang ng Simbahan ang Pista ng dalawa sa pinagpakitaan ng Mahal na Birhen sa Fatima, San Francisco at Santa Jacinta Marto.

Ang magkapatid na ito ang itinuturing ng Iglesya bilang “youngest saints who did not die as martyrs”. Sila’y mga anak nina Manuel at Olimpia Marto na mula sa Alijustrel, Portugal.

Ayon sa ‘memoirs’ o mga gunita ng kanilang pinsan na si Sister Lúcia dos Santos, kalmadong bata si Francisco. Mahilig siya sa musika at madalas ninanais nitong mapag-isa upang mag-isip at manalangin. Si Jacinta naman aniya ay isang malambing na bata. Mayroon siyang magandang boses at may talento sa pagsasayaw.

Isang araw, habang nagpapastol sina Francisco at Jacinta kasama ang kanilang pinsang si Lucia, nagpakita sa kanila ang isang anghel at inanyayahan silang magdasal para sa pagbabalik-loob sa ­Diyos ng mga makasalanan. Tatlong ulit umano nilang namalas ang pa­ngitain ng angel na nagturo sa kanila ng mga bagong panalangin.

Sa aklat-talaarawan ni Lucia, nakasaad na unang nilang nakita magpipinsan ang bisyon ng Mahal na Birhen sa Cova da Iria noong Mayo 13, 1917. Noong panahong iyon, si Francisco ay 8-taong gulang at si Jacinta ay 7 lamang. Sa nasabing aparisyon, saad ng mga bata, hiniling ni Maria na magdasal sila ng Santo Rosaryo at mag-alay ng sakripisyo upang maligtas ang mga makasalanan.

Related Posts

Namanhik ang Mahal na Birhen sa mga batang pastol na magbalik sila sa lugar na iyon tuwing ika-13 ng buwan sa loob ng anim na buwan. Hiniling ni Maria na talikdan nila ang kanilang mga kasalanan, magkum­pisal at ialay ang sanlibutan sa kanyang Kalinis-linisang Puso.

Samantala, isang epi­demya ang kumalat sa buong Europa noong 1918. Ang magkapatid na Francisco at Jacinta ay naging biktima ng ‘1918 Influenza’. Oktubre 1918 nang isiwalat ni Jacinta kay Lucia na nagpakita sa kanya ang Birhen at nagsabing hindi matatagalan, dadalhin na siya nito sa langit. Gayunman, ­unang pumanaw si Francisco noong Abril 3, 1919.

Patuloy na nanala­ngin sina Lucia at Jacinta pagpanaw ni Francisco. Sa mga sumunod na buwan, magkasama sila sa pagpunta sa parokya upang manalangin at magsagawa ng ‘pagbayad-puri’ sa Banal na Eukaristiya, madalas nakatirapa sa lupa katulad ng turo ng anghel. Pebrero 20, 1920, ilang araw matapos ang maselan na operasyon sa dibdib, natupad na ang pangako ng Birhen kay Jacinta na langit.

Ngunit bago pa man nangyari ito, binigyang-diin ni Jacita kay Lucia ang hiling ng Mahal na Birhen ukol sa ‘Alliance of the Hearts of Jesus and Mary’ o kalooban ni Hesu­Kristo na ang Kalinis-linisang Puso ni Maria ay maparangalan kasama o katabi ng Kanyang Kamahal-mahalang Puso. Sa kasalukuyan, magkakasamang nakahimlay ang tatlong ‘visionary’ sa Basilica of Our Lady of the Rosary sa Fatima.

Noong Mayo 13, 2017, sa ika-sandaang anibersaryo ng pagpapakita ng Mahal na Birhen ng Fatima, tinanghal na mga santo ng Simbahan sina San Francisco at Santa Jacinta Marto sa ‘Centennial Celebration’ na pinangunahan ni Pope Francis sa mismong lugar kung saan nagpakita si Maria. Nai­lunsad na rin ang ‘Cause of Beatification’ ni Sor Lucia de Jesus Rosa Dos Santos, OCD at noong Pebrero 13, 2017 ay ginawaran na ng titulong “Servant of God” bilang unang hakbang tungo sa canonization.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More