Una sa Balita

Kiko nagselos sa Sharon-Gabby reunion, Tito Sen. kinilig

By
0 1,740

Tiniyak ni Senador Kiko Pangilinan ang kanyang suporta sa pagbabalik tambalan ng kanyang asawang si MegaStar at Gabby.

“She has my 110% support and I am very proud of her commitment and dedication sa kanyang trabaho,” saad ni Pangilinan sa panayam ng DWIZ.

Sinabi pa ni Kiko na bilang mag-asawa ay patuloy ang suportahan nila ni Sharon sa bawat proyekto, programa at anong trabaho ng isa’t isa.

“Nandiyan ang aking support walang problema ru’n dahil ang mag-asawa naman ay dapat nagtutululungan sa kanilang mga career at proyekto,” giit ng mambabatas.

Aminado naman si Pangilinan na may pagkakataon na nagseselos siya subalit sa naging balik tambalan anya nina Sharon at Gabby sa commercial ng isang fastfood chain ay wala siyang nakitang dahilan upang magselos.

“Well kung meron naman dapat pagselosan pero wala naman e kaya okay tayo diyan,” saad pa nito.

“Kapag kinukumusta nga si Sharon ang sagot ko, ayun patay na patay pa rin sa akin e,” dagdag pa ng senador.

Inamin ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III, isa sa ama-amahan ng MegaStar na kinilig siya sa commercial ng da­ting mag-asawa.
“Oo ang ganda e, ang ganda ng execution,” sagot ni Sotto sa tanong kung kinilig din siya sa balik tambalan.

Kinumpirma rin nito na maging ang kanyang asawang si Helen Gamboa-Sotto ay naiyak pa nang mapanood ang commercial.

“Anong naiyak, humagugol may kasamang tuwa ‘yun at naalala niya nu’ng araw alam mo naman si Sharon parang panganay namin ‘yun,” kwento pa ni Sotto.

Kung hindi anya nagkaroon ng problema sina Sharon at Gabby ay malamang na sila pa rin ang mag-asawa hanggang ngayon.

“E ‘di sana hanggang ngayon sila pa,” tukso pa ng mambabatas.