Una sa Balita

Kiko kay Piñol sa food crisis: Anyare?

By
0 323

NAKATAKDANG ­siya­satin ngayon ng mga ­senador ang panu­kalang budget ng Department of Agriculture (DA) para sa taong 2019, kung saan inaa­sahang ­gigisahin si Secretary Manny Piñol dahil sa nararanasang food crisis sa bansa.

Sinabi ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na pagpapaliwanagin ang kalihim hinggil sa mga hakbanging ipatutupad para lutasin ang problema sa kakulangan sa bigas.

“Ano nangyari for the last two years na halos walang growth ang agriculture?” saad ni Pangi­linan, dating presidential adviser for food security and agricultural moder­nization noong PNoy administration.

Dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin, pumalo sa 6.4 percent ang inflation rate noong Agosto, pinakamataas sa loob ng siyam na taon.

Umaabot sa P124 bil­yon ang hinihinging budget ng DA sa susunod na taon.

Hindi naman pabor si Pangilinan sa price ceiling dahil ang pinakasolusyon aniya ay ang dagdagan ang suplay ng pagkain sa pamamagitan ng pagbibigay-ayuda sa mga magsasaka.

Muli rin itong nanawagan sa pamahalaan na tigilan ang poli­tical harassment sa mga kalaban para pagtakpan ang kabiguan nilang resolbahin ang krisis.

Partikular na tinukoy ni Pangilinan ang aniya’y panggigipit kay Senador Antonio ­“Sonny” Trillanes IV.

“Hindi maresolba ang presyo ng bigas, naghahanap ng paraan para mabago ang kuwentuhan para hindi na muna ma­isip ang gutom… Para hindi na muna pag-usapan. Sa halip na pag-usapan ang problema ng bigas, anong solusyon… Sa halip na mabibigat na problema ng bansa ang pinag-uusapan natin eh ito ­ngayon ang pinag-uusapan natin. Hindi na tama,” diin ni Pangilinan.