Una sa Balita

Kiko hindi mananalo — Digong

By
0 2,532

HINDI umano nakasisiguro si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na mananalo sa susunod na eleksyon, kahit asawa siya ni Megastar Sharon Cuneta, dahil sa batas nito na nagbigay ng lakas ng loob sa mga menor de edad para gumawa ng krimen.

Sa kanyang talumpati matapos pangunahan ang pagpapanumpa sa mga bagong Career Exe­cutive Service Officers (CESOs) sa Malacañang kahapon, sinabi ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na kaya dumami ang mga batang gumagawa ngayon ng krimen ay dahil sa batas ni Pangilinan.

Wala aniyang mga ganito noong mga nakalipas na administrasyon pero dahil sa Juvenile Justice Welfare Act of 2006 ni Pangilinan ay lumakas ang loob ng mga batang menor de edad na gumawa ng krimen dahil hindi naman sila nakukulong.

Nagpa-guwapo aniya ang senador at bagama’t kinopya nito ang batas ng Amerika, hindi nito na-research na ibinalik na ng Estados Unidos ang parusa sa mga youthful offender at kung ano ang parusa sa mga adult offender ay iginagawad na rin sa mga ito.

Ang hindi aniya nilinaw ni Pangilinan sa kanyang batas ay kung ano ang gagawin sa mga naarestong menor de edad dahil wala namang nakasaad kung paano ireporma ang mga ito.

“Ito naman si Pontifical Pangilinan akala mo walang kasalanan kung magsalita. Siya pa ‘yung presidente ng Liberal, tingnan mo, pati siya hindi manalo ‘yan,” dagdag pa ng Pangulo.

Kinumpirma ng Presidente na nakipagkita sa kanya ang ilang senador noong nakalipas na gabi at pinag-usapan ang posibilidad na i-repeal ang batas.

Sa 2022 pa maaaring tumakbo ng reeleksyon si Pangilinan. Noong 2016 elections, pang-8 lang si Pangilinan sa nakuhang 15,955,949 pero lamang nang 1.8 mil­yong boto sa pang-12 na si Senador Leila de Lima.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy