Una sa Balita

Kiko ‘di maupakan ni Digong dahil kay Shawie

By
0 493

KUNG hindi lang dahil kay ‘Megastar’ Sharon Cuneta ay matagal na sanang inupakan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan.

Inihayag ito ng Pa­ngulo sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng Northern Mindanao Wellness and Reintegration na ginanap sa Brgy. Casisang, Malaybalay, Bukidnon.

Sinabi ng Pangulo na minsan na kasi niyang napakiusapan ang senador para maka-dinner ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang asawa nitong Megastar.

Naulit ang dinner nina Sharon at Mayor Sara sa Davao Caity Biyernes nang gabi at sinikap ng Pangulo na makasalo ang mga ito kaya agad na bumalik sa Davao mula sa dinaluhang aktibidad sa Bukidnon.

Ito aniya ang dahilan kaya hindi niya mabakbakan nang husto ang senador na isa sa mga matinding kritiko ng kanyang administrasyon.

“Kaya hindi ko mabugbog si Pangilinan, dahil kay Sharon. Gusto kong p*****n, isa pa rin ‘yang ungas na ‘yan. Nandiyan lang si Sharon eh,” anang Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na tumulong din naman siya sa pangangampanya noon sa kandidatura ni Pangilinan pero nga­yong siya ang nakaupo ay panay-panay aniya ang daldal at banat nito sa kanyang administras­yon.

“Tumulong rin ako sa kanya. Ngayon, sige na siya daldal ng walang kakuwenta-kuwenta, mas marunong pa sa akin, sus maryosep,” dagdag na paha­yag ng Pangulo.