Una sa Balita

Kiefer, Thirdy walang sapawan

0 294

UNANG pagkakataon na magkakasama ang magkapatid na Kiefer at nakababatang si Ferdinand ‘Thirdy’ Ravena III matapos ­ipakilalang mga miyembro ng Gilas Pilipinas na sasabak kontra Indonesia sa Pebrero 23 sa unang window ng FIBA Asia Cup sa Jakarta, Indonesia.

Pamumunuan ni Kiefer, matapos italaga bilang team captain, ang mas pinabata at ­pinatangkad na koponan kasama si Thirdy at 10 iba pa na inihayag Miyerkoles nang gabi ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.

Hindi lamang nasundan ng magkapatid na Kiefer at Thirdy ang yapak ng kanilang ama na si TNT KaTropa coach Ferdinand ‘Bong’ Ravena Jr. na inirepresenta ang bansa ­bilang miyembro ng 1989 RP Youth at ­national men’s team noong 1990 at 1991 kundi pati ang bihirang pagkakataon na makalaro ang magkapatid para sa bansa.

Bahagi rin ng team sina PBA player CJ Perez, Roger Pogoy, Troy Rosario, Poy Erram, Justin Chua at Abu Tratter.

Kukumpleto ang mga collegiate standout na sina Juan Gomez De Liano, Isaac Go, Dwight Ramos at Matt Nieto.

Una nang nagkasama ang magkapatid sa Ateneo De Manila noong Season 77 ng UAAP.

Inaasahang magtutulungan ang magkapatid at hindi magpapatalbugan sa koponan.

“I don’t know what to feel,” sabi ni Thirdy patungkol sa kanyang Manong na hindi lamang magla­laro para sa koponan kundi pati sa NLEX Road Warriors.

“Masaya siya, pero at the same time malaking responsibility ‘yon, kasi ‘yung kapatid ko para na rin siyang coach, para na rin siyang tatay ko, kasi kahit on the court ­tinuturuan niya rin ako.” (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More