Una sa Balita

Kelot tinadtad sa QC Circle

By
0 151

MISTULANG manok na ginilitan muna sa leeg bago tinadtad ng saksak ng patalim ang isang hindi pa nakikilalang lalaki saka inabandona sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City, kamakalawa nang gabi.

Inilarawan ni PO1 Morshid Tanog ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na may taas na 5’2”, nasa edad 30-35, payat ang pa­ngangatawan, nakasuot ng puting T-shirt, itim na pantalon at itim na sapatos.

Natagpuan ang biktima dakong alas-10:58 nang gabi noong Linggo sa Prominent Area sa pagitan ng Flower at Tropical Garden, Quezon Ave. Gate, Quezon Memorial Circle, Brgy. Central, Quezon City.

Batay sa salaysay ni Christian Peter Guzman Bonuel, security guard sa nasabing lugar,  nagpapatrulya umano siya sakay ng motorsiklo nang mapansin ang isang lalaking naka­handusay sa garden.

Sa pag-aakalang natutulog lang ito ay nilapitan niya ito su­balit laking gulat niya nang makitang duguan ito at bukod sa laslas ang leeg ay may mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dahil dito ay agad niyang ini-report ang insidente sa kanyang susperior na siya namang tumawag sa himpilan ng pulisya.

Masusing iniim­bestigahan ng mga awtoridad ang nasabing krimen at inaalam pa kung may nakakabit na CCTV sa naturang lugar upang makilala ang salarin.