Una sa Balita

Kelot nasabugan ng bakal, kritikal

By
0 1,302

NASA kritikal na kondisyon ang isang scraper nang masabugan ito sa mukha nang sinusunog na mga bakal, kamakalawa nang hapon sa Valenzuela City.

Ginagamot ngayon sa Valenzuela City Medical Center si Arturo Misal, 35, naninirahan sa Area 4, Pinalagad, Brgy. Malinta ng nasabing lungsod, dahil sa labis na pinsalang tinamo sa mukha nito.

Sa imbestigasyon ni PO3 Josephus Melpaz, bandang alas-5:45 nang hapon, abala sa pagsusunog ng mga bakal ang biktima sa creek ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay.

Maya-maya, isang malakas na pagsabog ang narinig ng mga residente mula sa mga metal na sinunog ni Misal.
Tumama sa mukha ng biktima ang isang pirasong bakal na lumiliyab kaya duguan itong bumagsak at dinala ng mga naroroon sa nasabing pagamutan.

Ayon sa mga kapitbahay, may mga langis daw ang mga bakal na sinusunog ng huli at ito marahil ang sumabog.

“Hindi pa natin ma-determine kung vintage bomb ‘yung bakal na sinusunog ng victim kaya su­mabog,” ani PO3 Melpaz.
Inaalam pa ng pulisya kung anong uri ng explosive ang sumabog.