KAYA NATIN: Walang masama sa pamumuna

By

May ilang mga Pilipino ang nainis kay Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang ipinadalang mensahe sa United Nations tungkol sa nangyayaring War on Drugs ngayon sa ating bansa.

Sa totoo lang, hindi ko maintindihan bakit may nagagalit eh nagsasabi lang naman si Robredo ng totoo na hanggang ngayon ay patuloy pa rin na marami ang pinapatay sa ating lipunan lalung-lalo na sa mga mahihirap na lugar.

Tinanong ng mga taga United Nations si Robredo kaya nagsabi ito ng totoo. Ilagay natin ang sarili natin sa pwesto ni Robredo, kapag ikaw ba ay tinanong, magsisinungaling ka?

Tandaan din natin na hindi naman si Robredo mismo ang nagpresinta sa kanyang sarili para pumunta doon at siraan si Presidente Rody Duterte.

Sa totoo lang, bago pa man ipalabas ang mensahe ni Robredo ay alam na ng buong mundo ang nangyayaring patayan sa ating bansa kaya hindi na ito bagong impormasyon sa kanila.

Kakampi ni Duterte si Robredo sa kanyang paglaban sa droga pero ang gusto lamang ni Robredo ay gawin ito sa tamang paraan at huwag basta basta na lamang pinapatay ang kapwa nating mga Pilipino.

Kung totoo nga ang sinasabi ng ating Philippine National Police (PNP) na hindi sila kasama sa mga patayang ito dapat ay doblehin pa nila ang kanilang trabaho para mahuli ang mga salarin at mapanagot agad sa batas.

Hindi ba’t noong nangangampanya si Duterte ay pinangako niya na kapag siya ay naupo siguradong mawawala ang krimen sa ating bansa?

Eh bakit parang mas dumami pa ang namamatay at pinapatay ngayon?

Kitang kita rin natin na mismong mga pulis pa nga ang sangkot sa mga krimen na ito gaya ng walang awang pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo sa loob pa mismo ng Camp Crame.


Marami na ring mga inosenteng buhay ang nadamay sa labang ito kabilang na ang ilang mga kabataan na hindi naman gumagamit ng ilegal na droga.

Buhay ang pinag-uusapan natin dito at kahit anong halaga ng pera ay hindi pwedeng tumbasan ang halaga nito sa mga naulila.

Sana makita ng administrasyong Duterte na hindi paninira sa kanila ang pagbibigay ng puna o ng sariling opinyon datap­wat dapat ay pakinggan nila ang mga opinyon na ito dahil baka mas makakatulong pa ito sa pagpapaganda ng buhay ng bawat Pilipino.

Pareho namang maganda ang hangarin para sa bayan nina Duterte at Robredo kaya sana ay ipagdasal natin na magkaroon na ng tunay na pagkakaisa sa ating pamahalaan.

SHARE