Una sa Balita

KAYA NATIN: Si Marcos na raw ang susunod na VP?

By
0 1

Habang nasa bansang Tsina si Presidente Rodrigo ‘Rody’ Duterte, sinabi nito sa harap ng mga Pilipino doon na posibleng si Bong Bong Marcos na raw ang magiging susunod na Bise Presidente ng ating bayan.

Bakit kaya sinabi ni Duterte ito? Klarong klaro naman na si Bise Presidente Leni Robredo ang nanalo noong nakaraang halalan. May alam kaya si Duterte na hindi natin alam? O baka naman may balak ba si Duterte at ang kanyang mga kakampi na gumalaw para maalis sa pwesto si Robredo? Kung ano man ang dahilan ni Duterte sa pagsambit ng ganitong mga salita, hindi ito nakakatulong para magkaroon ng tunay na pagkakaisa ang ating bayan.

Maraming mga tagasuporta ni Robredo ang nainis sa ginawa ni Duterte dahil para sa kanila ay parang hindi na rin nirespeto ni Duterte ang naging pasya ng taumbayan noong nakaraang halalan.

Tandaan din natin na miyembro rin ng gabinete at ng opisyal na pamilya ni Duterte si Robredo dahil nilagay nito ang Bise Presidente bilang Ho­using Secretary kaya naman talagang nakakagulat ang mga binitiwang salita ni Duterte.

Sana ay hindi na magsalita ng ganito ang ating Pangulo para naman maiwasan na rin ang hindi pagkakasundo ng mga tagasuporta nila ni Robredo.

Mabuti na lamang at hindi pinatulan ni Robredo ang mga salitang ito ni Duterte. Habang nanggagalaiti sa galit at inis ang mga tagasuporta niya, cool lang si Robredo at hindi na nagsalita tungkol sa isyu na ito.

Pinapakita ni Robredo na may respeto siya sa ating Pangulo at wala itong balak na awayin ito. Maganda ito dahil baka lalo pang magkagulo ang ating gobyerno kung nagsalita rin ng hindi maganda si Robredo bilang reaksyon sa sinabi ni Duterte. Pinakita rito ni Robredo na inuuna niya ang pagkakaisa ng bayan bago ang kanyang sariling saloobin kahit na nasaktan ito sa sinabi ni Duterte.

Nakakabilib din talaga si Robredo dahil hindi nito ininda ang pagod ng 22 oras na byahe mula sa bansang Ecuador at dumiretso agad siya sa Cagayan at Isabela noong nakaraang Biyernes para dalawin at maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Lawin.

Makikita rito na may tunay na malasakit talaga si Robredo para sa bawat Pilipino dahil kahit na natalo s’ya ng ma­laki sa mga lalawigang ito noong nakaraang halalan ay agad pa rin siyang tumungo roon para iparamdam ang tulong ng gobyerno sa kanila. Sana ay mas dumami pa ang mga pinuno sa ating gobyerno na gaya niyang may tunay na pagmamahal para sa bawat Pilipino.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-677-2989.