Una sa Balita

Kaya Natin: Seryoso ang laban sa droga

By
0 5

Masaya ako sa nangyayaring isa-isang pagbagsak at paghuli sa mga drug pusher sa ating bansa. Ito marahil ang nagiging epek­to ngayon ng naging pagkapanalo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na magiging susunod na nating Presidente.

Sana ay hindi ito ningas kugon lamang at magtuluy-tuloy na nga ang pagpuksa ng droga sa ating bayan. Hindi ba’t sinabi ni Duterte sa kanyang TV Ad noon na “I hate drugs!” kaya naman dapat ay matakot na talaga ang mga naglalako ng ilegal na droga sa ating bayan dahil kapag hindi sila umayos ay mukhang sa kulu­ngan sila pupulutin.

Sana ay hindi lamang sa laban sa ilegal na droga kumilos si Duterte at kapulisan. Isa pang malaking problema ng ating bayan ay ang ilegal na sugal gaya ng jueteng na patuloy na nagpapahirap sa marami nating mga kababayan. Tama ang sinabi ni Duterte na kailangan niya talaga na maglagay ng isang ma­tapang na pinuno sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO dahil ang taong ito ang siyang babangga sa mga ilegal na sugal.

Nagagamit kasi ang ilang mga palaro ng PCSO gaya ng Small Town Lottery o STL para itago ang mga ilegal na ope­rasyon ng jueteng sa iba’t ibang mga probinsya. Matiti­gil lamang ang ilegal na sugal sa ating bansa kung maisasaayos talaga ang kalakaran diyan sa PCSO.

Related Posts

Sa panukala naman para ibalik ang parusang kamatayan, hindi ako sang-ayon dito dahil tinatanggal na nito ang pagkakataon para makapagbagong-buhay pa ang isang tao. Bukod pa rito, hindi pa rin kasi maayos ang sistema ng hustisya sa ating bayan.

Kumbaga alam naman nating lahat na kapag mayaman ka ay kaya mong kumuha ng mga magagaling na abogado para paikutin ang batas pero kapag ikaw ay mahirap at walang pambayad ng abogado ay nakukulong kaagad. Paano kung ang isang mahirap na inosente pala ay nasentensyahan ng parusang kamatayan? Paano pa maibabalik ang buhay nito kapag makalipas ang ilang buwan ay napatunayan pala na ito ay inosente.

Sa halip na parusang kamatayan, mas maganda ay palawigin na lamang ang tinatawag na reclusion perpetua o ang habambuhay na pagkabilanggo sa mga kriminal na gumagawa ng karu­mal-dumal na mga krimen. Lahat naman tayo ay makasalanan pero lahat din tayo ay may pagkakataon na magbagong-buhay kung gugustuhin la­mang natin.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-6772989.