Una sa Balita

Kaya Natin: Sana hindi totoo

By
0 134

Lumabas ang balita mula sa Indonesia na sinabi mismo ng Presidente ng kanilang bansa na noong nagkita sila ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pumayag na umano si Duterte na huwag nang pigilan ang pagbitay kay Mary Jane Veloso. Kung matatandaan natin, noong nakaraang taon ay naging malaking isyu ang magiging pagbitay kay Veloso dahil ayon sa karamihan ng mga kababayan natin ay naging biktima lamang siya ng kahirapan kaya naman napilitan siyang gumawa ng iligal na gawain. Marami rin ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa administrasyong Aquino noong mga panahong iyon dahil kulang daw ang kanilang nagawa para tulungan si Veloso. Mabuti na lamang ay agad na kinausap ni noo’y Presidente Noynoy Aquino si Presidente Jokowi Widodo ng Indonesia at siya mismo ang nakiusap kay Widodo na huwag munang bitayin si Veloso. Pumayag naman si Widodo dahil may lumabas na bagong ebidensya na nagsasabing pwedeng mapawalang sala si Veloso. Tuwang-tuwa ang ating bayan sa nangyari dahil nabigyan muli ng panibagong buhay si Veloso.

Kaya naman talagang nakakagulat ang balitang ito na mula pa mismo sa Indonesia na nagsasabing walang ginawa si Duterte para pigilan ang pagbitay kay Veloso. Hindi ba’t bago umalis si Duterte papuntang Indonesia ay nangako ito na gagawin nito ang lahat para makiusap kay Widodo para hindi na matuloy ang pagbitay kay Veloso pero bakit mismong si Widodo ang nagsasabi ngayon na pumayag na si Duterte na bitayin si Veloso? Kung totoo nga ang balitang ito, dapat ay magalit ang sambayanang Pilipino dahil hindi ba’t bilang Presidente ay siya na rin ang tumatayong tatay ng ating bayan? Kung ikaw ay isang mabuting tatay, hindi ba’t ipaglalaban mo ang iyong anak hanggang sa abot ng ating makakaya? Ito ang ginawa ni PNoy at ito rin ang inaasahan nating gagawin ni Duterte para kay Veloso.

Ngayon, kung pagkatapos ng lahat ng imbestigasyon at nagawa na ang lahat ng pakiusap ay nagdesisyon pa rin ang Indonesia na bitayin si Veloso, wala na tayong magagawa kundi respetuhin ang kanilang hatol pero hindi dapat natin pabayaan ang kalagayan ni Veloso lalung-lalo na dahil tayo na mismo ang nagsasabi na ang mga OFW ang mga bagong bayani sa ating bayan.

Sana ay hindi nga totoo ang balitang ito na lumabas mula sa Indonesia. Sana ay ipaglaban pa rin ni Duterte at nang admi­nistrasyon niya ang kalagayan ni Veloso at nang marami pang ibang mga OFW na nahaharap sa mga kaso sa ibang bansa.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-677-2989

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy