KAYA NATIN: Sampal sa bawat Pilipino

By

Kapag ang isang gutom na ­Pilipino ang napilitang magnakaw ng isang kilong bigas para lamang pakainin ang kanyang nagugutom na pamilya, siguradong kulungan ang bagsak nito. Pero kapag ang isang maimpluwensya at mayamang negosyante ang nakinabang ng bilyun-­bilyon sa kaban ng bayan­ eh mismong ang abogado pa ng gobyerno ang magtatanggol dito.

Ito ngayon­ ang nangyayari sa ating bansa kung saan si Solicitor General­ Jose Calida­ mismo ang humiling sa mga korte na pakawalan na si pork barrel scam queen Janet ­Napoles. Kitang-kita rito na mukhang ang prayo­ridad ng ating pamahalaan ay pakawalan ang mga nakulong na mandarambong­ at magnanakaw. Ito nga ba ang hinaha­ngad na pagbabago at reporma ng mga bumoto kay Pangulong Rody Duterte?

Kung matatandaan natin, kumita ng bilyun-bilyon itong si Napoles dahil sa kanyang mga itinayong mga pekeng NGO para kumuha ng pera mula sa mga pork barrel ng mga kongresista at mga senador. Wala naman sanang masama kung ginamit­ talaga ang pondo ng bayan para itulong sa mga ­pangangailangan ng bawat Pilipino pero ang nakakalungkot at nakakagalit dito ay ibinulsa ito nina Napoles at ng ilang mga mambabatas gaya nina dating Senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada na ngayon ay nakakulong na rin.

Kitang-kita rin kung gaano kaluho ang pamumuhay ng pamilya Napoles kung saan nagpa-party pa ang anak nito at gumagastos ng ilang milyong piso sa mga mamahaling mga hotel sa Estados Unidos. Kumbaga habang namamatay na sa gutom ang milyun-­milyong mga Pilipino ay heto ang isang pamilya na namumuhay nang marangya gamit ang pera ng taumbayan.

Kapag matuloy ang balak ni Calida na mapawalang sala itong si Napoles at makawala sa kulungan, siguradong malaking­ sampal ito sa hustisya sa ating bayan at sa bawat Pilipino na nagtatrabaho nang mabuti para lamang mairaos ang pamilya sa kanilang pang-araw-araw na mga pangangailangan.

Ipinapakita rin nito na sa administrasyong Duterte ay ayos lang na magnakaw ang ating mga pinuno sa kaban ng bayan­ at wala palang laman ang mga binitiwang mga pangako ni Duterte na siya ay lalaban sa korapsyon sa ating pamahalaan. Kung sa bagay, ano nga ba naman ang maasahan mo sa isang administrasyong pinilit ang paglilibing ng isang kilalang diktador, mamamatay-tao at magnanakaw sa Libingan ng mga Bayani. Kawawang Pilipino! Kawawang Pilipinas!

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-6772989.

SHARE