Una sa Balita

Kaya Natin: Salamat sa ating mga guro

By
0 31

Isa sa mga pinakamahalagang haligi ng ating lipunan bukod sa ating mga magulang at pamilya ay ang ating mga guro. Sila ang humuhubog sa kinabukasan ng ating mga anak dahil halos buong araw ay sila ang kanilang nakakasama sa tuwing papasok sila sa eskwelahan.

Noong ako ay nag-aaral pa sa elementarya, naalala ko na maswerte ako dahil sa tuwing nagkakaroon ako ng problema sa pag-iintindi ng mga bago naming inaaral ay handa parati ang aking mga guro para bigyan ako ng kaunting oras para mas maipaliwanag sa akin ang aming mga aralin. Sa tingin ko ay hindi ko maaabot nga­yon ang aking mga naabot kung hindi ako nagkaroon ng mga maayos na guro noong ako’y nag-aaral pa.

Kung maayos ang guro ng isang bata ay hindi malayo na madali ring matututo at magkakaroon ng tamang ugali at asal ang bata. Kapag hindi naman maayos ang isang guro, pwedeng lumaki ang isang bata na may maling pag-uugali. Dahil dito, para sa akin, ang ating mga guro sa mga pampublikong mga paaralan ang isa sa mga tunay na bayani ng ating bayan. Samu’t saring mga problema ang kinakaharap nila araw-araw gaya ng kakulangan sa mga libro, classroom at mga kagamitan pero ganun pa man ay patuloy pa rin sila sa kanilang ginagawang paghubog ng mga isipan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Marami rin sa mga gurong ito ay kailangan pang maglakad ng ilang kilometro para maabot lamang ang mga paaralan sa kabundukan habang ilan naman sa kanila ay kailangan pang mamangka sa mga ilog at dagat para lamang maabot ang mga paaralan sa mga isla. Makikita talaga natin na hindi ka puwedeng maging isang guro kung hindi mo kayang magsakripisyo para sa iyong mga estudyante.

Noong nakaraang Miyerkules ay ginunita ng buong mundo ang World Teachers’ Day kaya naman nais kong ialay ang aking kolum para bigyan ng parangal at pasasalamat ang mga guro sa ating bayan na kahit maraming problema ay patuloy pa rin sa kanilang ginagawang pag-aalay ng kanilang sarili para sa ating mga kabataan. Kung makikita ninyo ang inyong guro o ang mga guro ng inyong mga anak, sana ay pasalamatan niyo rin sila at ipadama sa kanila na sila ay mahalaga para sa ating lahat.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-677-2989.