Una sa Balita

KAYA NATIN: Labanan natin ang Death Penalty

By
0 138

Naalala niyo pa ba si Mary Jane Veloso? Siya ‘yung OFW na dapat ay bibitayin na dahil nahuli­ siyang may dala ng droga noong ito ay ­pumasok sa Indonesia. Kung matatandaan ­natin marami sa atin ang nagalit nang mabalitaan ­natin ito.

Ang iba pa ngang mga kaliwang grupo ay halos araw-araw nag-rally at kinondena ang ating pamahalaan dahil sa pangyaya­ring ito. Mabuti na lamang at nagawan ng paraan ni noo’y Pangulong Noynoy Aquino para hindi matuloy ang kanyang pagbitay at hanggang sa ngayon ay buhay pa rin si Veloso.

Nagalit tayo noong papatayin na si Veloso sa Indonesia pero ngayon dapat mas magalit tayo dahil gustong ibalik ng kasalukuyang administrasyon ang parusang kamatayan dito mismo sa ating bayan.

Kapag matuloy ito, ilang mga tulad ni Mary Jane Veloso na galing sa mahirap na pamilya ang papatayin mismo rito sa ating bansa? Ilang mga inosente ang mabibitay dahil lamang wala silang pambayad ng maga­ling na abogado?‘Yan ang mga magiging problema kapag natuloy ang balak ng ating pamahalaan na ibalik ang parusang kamatayan.

Isa sa mga dahilan kung bakit ako tutol dito ay dahil hanggang ngayon hindi pa rin patas ang hustisya sa ating bansa. Ilang beses na nating nakita na kapag ang isang may pera o makapangyarihan ang gagawa ng kalokohan ay madali itong nakakaligtas sa kamay ng batas dahil nakakakuha ito ng mga magagaling na abogado. Pero ang isang mahirap ay siguradong mabubulok na sa kulungan kahit wala talaga itong kasalanan dahil hindi nito kayang kumuha ng magaling na abogado para ipagtanggol ito.

Kapag natuloy ang planong pagbabalik ng parusang kamatayan sa ating bansa, paano natin masisiguro na ang bibitayi­n natin ay talagang nagkasala? Ang nakakalungkot ay kapag nagkamali tayo, hindi na puwedeng ibalik muli ang buhay na kinuha natin. Hanggang sa hindi naaayos ang sistema ng hustisya sa ating bansa, hindi puwedeng magkaroon ng parusang kamatayan.

Bukod pa rito, ang Diyos lamang ang may karapatan na ­kumuha ng buhay at hindi ang tao. Kapag itinuloy natin ang parusang kamatayan, para na ring sinabi natin na tayo na ang Diyos at wala nang kakayahan pang magbagong buhay ang isang nagkasala o isang kriminal. Paano kung humingi ito ng tawad, pagsisihan ang kanyang mga kasalanan at naising magbagong buhay? Hindi ba natin puwedeng ibigay ‘yun sa kanila? Lahat naman tayo ay nagkasala at makasalanan din kaya walang puwedeng magsabi na mas mabuti siyang tao kumpara sa iba.

Isipin na lamang natin, paano kung ang mahal sa buhay natin ang mabigyan ng parusang kamatayan, okay lang ba sa atin ‘yun?

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-677-2989.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy