Una sa Balita

Kaya natin: Kapayapaan ang kailangan

By
0 169

Naging malaman ang ginawang kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte. Iba’t ibang isyu ang kanyang tinalakay pero bida pa rin ang kanyang laban sa iligal na droga sa ating bansa.

Binalaan na rin n’ya ang mga tiwaling pulis na kapag hindi sila umayos ay sisiguruhin niyang sila ang malilintikan. Mabuting nabanggit ito ni Duterte dahil marami ngayon ang nagsasabi na kaya maraming napapatay na drug pusher dahil ang mga pulis mismo na kanilang mga amo ang pumapatay sa kanila.

Natatakot daw kasi ang mga pulis na ito na baka mabulgar ang kanilang ginagawang pagbebenta rin ng droga kaya sa halip na ikulong ang mga drug pushers na naging ahente nila sa iligal na droga ay permanente na lamang nilang pinatatahimik ang mga ito.

Kung totoo man ito, dapat mapanagot din sa batas ang mga pulis na ito dahil hanggang sa nand’yan pa sila sa serbisyo ay baka hindi makamit ni Duterte ang layunin niyang itigil ang iligal na droga sa ating bansa.

Isa sa mga pinakatumama sa akin sa sinabi ni Duterte sa kanyang SONA ay noong sabihin nito na hindi pwedeng mapalitan ng pera at medalya ang buhay ng ating mga sundalo na namamatay dahil sa patuloy na pakikipagbakbakan ng mga ito sa mga rebeldeng komunista at sa MILF.

Sa kanyang SONA mismo sinabi ni Duterte na humihingi siya ng tigil putukan sa pagitan ng ating military at ng CPP-NPA. Mahalaga ang hakbang na ito dahil ilang dekada na rin ang dumaan pero hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang bakbakan at giyera sa loob ng ating bayan. Pilipino laban sa kapwa Pilipino ang naglalaban kaya naman suportado talaga natin ang hakbang ni Duterte na isulong na ang permanenteng kapayapaan sa buong bansa.

Related Posts

Sana lamang ay pumayag na ang CPP-NPA, ang MILF at ang MNLF sa tigil putukan para naman tuluy-tuloy na ang maging pag-unlad ng ating bayan lalung-lalo na sa ating mga kanayunan.

Bukod pa rito, pinangako rin ni Duterte na bibigyan niya ng pansin ang lumalalang traffic sa Metro Manila. Sa totoo lang, ang daming oras at pagod ang nasasayang dahil sa traffic kaya sana ay mabigyan na agad ito ng lunas ng ating pamahalaan. Isa sa pwedeng gawin ay ang planong ilabas ang ating paliparan at dalhin na ito sa Clark. Kung matutuloy na ito siguradong mababawasan ang traffic sa ating bansa.

Good luck kay Pangulong Duterte, sana ay magawa niya ang kanyang mga mabubuting plano para sa ating bayan.

***

Para sa inyong mga komento, magtext sa 0916-6772989.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy