Una sa Balita

KAYA NATIN: Isang taon ni Duterte

By
0 7

Sa susunod na linggo ay matatapos na ang unang taon bilang Presidente ni Rodrigo Duterte. Kamusta naman ang naging isang taon niya ­bilang pinuno ng ating bansa? Anu-ano ba ang kanyang mga nagawa para sa ating bayan? Tingnan natin.

Sa tingin ko ang unang papasok sa isip ng maraming tao kapag tatanungin kung ano ang nagawa ni Duterte ay ang kanyang giyera laban sa ilegal na droga. Sa totoo lang, masasabi naman natin na nagkaroon ng pagbabago sa sitwasyon ng ilegal na droga sa ating bansa dahil marami na rin ang mga pusher na nahuli at napatay. Bukod pa rito, nagkaroon na rin ng takot ang marami nating mga kababa­yan sa paggamit ng ilegal na droga dahil na rin sa kanilang nababalitaang mga namamatay o pinapatay na mga pusher at user. Ang malaking pagkukulang lamang ng giyerang ito ay hanggang ngayon wala pa ring malaking drug lord ang nahuhuli at napaparusahan kaya marami ang nagsasabi na ­tila ang giyerang ito ay giyera lamang laban sa mga mahihirap.

Isa pang naging malaking balita sa panahon ni Duterte ay ang nangyayaring usapang pangkapayapaan sa pagitan ng ating pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista. Naging maganda ang simula ng usapan at lalo pa itong nagkaroon ng pag-asa dahil inilagay din ni Duterte sa kanyang gabinete ang ilang kilalang makakaliwang mga pinuno gaya nina DSWD Secretary Judy Taguiwalo at DAR Secretary Rafael Mariano. Pero hindi nagtagal ay pansamantala ring nasuspinde ang usapan dahil na rin sa kawalan ng tiwala sa magkabilang panig. Paano ba naman matutuloy ito kung habang nag-uusap ay nagkakaroon naman ng patayan at barilan sa pagitan ng mga militar at ng CPP-NPA. Patuloy pa rin tayong umaasa na sana nga ay tuluyan­ nang magkaroon ng kapayapaan sa ating bayan.

Bukod sa dalawang isyung ito, malaking hamon ngayon sa administrasyong Duterte ang nangyayaring kaguluhan sa Marawi City. Ilang beses nang nagbigay ng petsa si Duterte kung kailan matatapos ang giyera roon pero hanggang ngayon­ ay hindi pa rin natatapos ang bakbakan. Ano nga ba talaga ang tunay na sitwasyon sa Marawi at sa ibang kalapit bayan?­­ ­Kailangan nga ba talaga ang Martial Law doon? Karapatan ng taumbayan na malaman kung ano talaga ang tunay na ­sitwasyon doon.

Kung titingnan natin, marami pa ring hamon na hinaharap si Duterte pero sana ay marami na siyang natutunan sa kanyang unang isang taon bilang Presidente. Sana ay sa susunod na taon mapakita na niya kung ano ang kanyang planong gawin para maibsan ang kahirapan at gutom ng bawat Pilipino.