Una sa Balita

Kaya Natin: Hindi na maibabalik ang buhay

By
0 150

Isa sa mga mainit na isyu ngayon ay ang panukalang batas sa ating Kongreso at Senado patungkol sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa ating bansa. Para kay Presidente Rody Duterte, ito ang isa sa mga pinakamagandang solusyon para matigil na ang pagkalat ng iligal na droga at ang pagsugpo sa mga karumal-du­mal na krimen sa ating bayan. Suportado ako sa laban ni Duterte sa kriminalidad, matagal na dapat nalinis ang hanay ng ating kapulisan at mga lokal na opisyal pero ngayon lamang tayo nagkaroon ng isang Presidente na may tapang na gawin ito pero hindi ako sang-ayon sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan. Bakit? Dahil sa maraming dahilan.

Unang-una, sa lahat ng mga ginawang pagsasaliksik sa buong mundo tungkol sa usaping ito, naipapakita na hindi naman napapababa ng parusang kamatayan ang krimen sa isang bansa.

Ang mas epektibo na makakapagpababa ng krimina­lidad ay ang isang maayos na sistema ng hustisya na hanggang ngayon ay kulang pa rin sa ating bansa. Kapag alam ng mga tao na mapaparusahan sila kapag sila ay lumabag sa batas mas pag-iisipan nila ng mabuti bago nila gawin ang isang krimen. Ang nakakalungkot ay sa ating bayan, alam naman na­ting kung may pera ka pwede kang kumuha ng isang magaling na abogado at sa dulo ay mapapawalang sala ka habang kung mahirap ka naman ay siguradong mabubulok ka na lang sa bilangguan kahit na inosente ka naman talaga. Hanggang sa hindi maayos ang sistema ng hustisya sa ating bansa ay mahihirapan tayong mapuksa ang kriminalidad kahit na ibalik pa natin ang parusang kamatayan.

Pangalawa, paano kung pagkatapos patayin ang isang kriminal tapos pagkalipas ng isang taon ay may lumabas na bagong ebidensya o bagong mga testigo na magpapatunay na wala pala talaga itong sala? Maibabalik pa kaya ang buhay nito? Ito ang isa sa mga pinakamalaking dahilan kung bakit hindi ako pabor sa parusang kamatayan dahil hindi pa rin maayos ang sistema ng hustisya sa ating bansa. Marami pa rin sa mga kababayan natin ang nabubulok sa ating mga kulungan kahit inosente naman sila dahil hindi nila kayang magbayad ng maayos na abogado para tulungan silang ipagtanggol ang kanilang sarili.

Bago natin pag-usapan at isabatas muli ang parusang kamatayan, mas mainam siguro munang ayusin natin ang sistema ng hustisya. Gawin nating pantay pantay ito para sa mahihirap at mayayaman dahil ito lamang ang paraan para tuluyan nating masugpo ang krimen sa ating lipunan.

 ***

Para sa inyong mga komento, magtext sa 0916-6772989.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy