Una sa Balita

KAYA NATIN: Hakot ng mga takot

By
0 8

Nakakalungkot ang nangyari noong nakaraang Sabado kung saan nagkaroon ng dalawang magkaibang malalaking rally. Ang isang grupo ay nasa EDSA ­People Power Monument para muling gunitain ang ika-31 anibersaryo ng payapang EDSA People Power Revolution na nagpatalsik ng diktador at mamamatay-tao sa ating bansa.

Habang ang isang grupo naman ay nasa Luneta para magpahayag ng kanilang suporta kay Presidente Rody Duterte.

Pinangako ni Duterte noong siya ay manalo noong nakaraang halalan na sisikapin niyang pagkaisahin ang ating bayan pero mukhang hindi ito nangyayari ngayon dahil sa halip na makipagkasundo sa kanyang mga ­katunggali ay puro paghihiganti ang inisip nito kabilang na nga rito ang ginawa nilang pagpapakulong kay Senador Leila De Lima at ang pagpapalibing sa labi ng diktador na si ­Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani bilang kanyang pagtanaw ng utang na loob sa suporta ng mga Marcos noong kampanya.

Napako lamang ang pangako ni Duterte na pagkakaisa at ngayon ay mukhang nagiging malabo na ang pagsasaayos nito.

Ramdam na ng administrasyong Duterte na lumalakas na ang oposisyon laban sa kanila kaya bigla rin itong nagpatawag ng rally sa Luneta noong nakaraang Sabado at Linggo.

Gusto raw nilang ipakita na marami pa rin ang naniniwala at sumusuporta kay Duterte pero kung talagang marami nga ang naniniwala sa kanya eh bakit kailangan pang maglabas ng memo ang DILG para sabihan ang mga mayor na maghakot ng tao para sa rally sa Luneta?

Ang nakakalungkot pa ay ginamit pa ang mga sasakyan ng gobyerno at pondo ng bayan para ­dalhin ang mga taong ito papunta sa Luneta. Gamit din ang pera ng bayan­ para sa kanilang baon at pagkain. Mukhang nakikita ­natin dito na natatakot na ang mga nasa administrasyon ngayon­ kaya gagawin na nila ang lahat para lamang ipakita na malakas pa rin daw sila.

Sa totoo lang, kung ginagawa lamang ni Duterte at ng kasalukuyang administrasyon ng mabuti ang kanilang trabaho ay siguradong mamahalin naman sila ng tao pero kung nakikita ng taumbayan na puro na lamang pangakong napapako ang nangyayari eh ‘di huwag na silang magtaka kung lalo pang lumawak ang oposisyon sa kasalukuyang administrasyon.

Ikaw, gumanda na nga ba ang buhay mo at ng inyong ­pamilya sa administrasyong ito?
Para sa inyong mga komento, mag-text sa 09166772989.