Una sa Balita

Kaya Natin: Duterte at Robredo, nagkaisa para sa bayan

By
0 127

Maganda ang naging simula ng bagong administrasyon dahil sa halip na makita ng publiko na nag-aaway ang ating Presidente at Bise Presidente ay nakita sila na nag-uusap at nagkasundo na magkakaisa para sa bayan. Kung matatandaan natin ay magkaibang partido ang tinakbuhan nina Presidente Rody Duterte at Bise Presidente Leni Robredo.

Naging mainit ang kampanya at halalan kaya pagkatapos ng eleksyon ay patuloy pa rin ang bangayan ng kanilang mga tagasuporta. Ngayong nakaupo na sa puwesto ang dalawa, maganda naman na agad silang nagkita at nag-usap para maipakita sa buong Pilipinas na kaya nilang magtulungan para agad na mabigyan ng lunas ang mga sulira­ning kinakaharap ng ating bayan.

Mabuti na rin at nagpahayag agad si Robredo ng pagsuporta sa administrasyon ni Duterte. Sa kanyang ginawa ay agad na humupa ang tensyon na namumuo sa magkabilang kampo. Nakakalungkot kasi na may ilang mga grupo na nagpapakalat pa rin ng maling balita at mga kasinungalingan tungkol kay Robredo at sa Liberal Party (LP). Ayon sa mga balitang ito, nais daw patalsikin ni Robredo at ng LP si Duterte sa lalong madaling panahon.

Walang katotohanan ang balitang ito dahil sa totoo lang ay walang pangarap si Robredo na maging Presidente ng ating bansa. Marahil ang mga nagpapakalat nito ay mga kaaway ni Robredo na nais siyang siraan kay Duterte kaya sana ay huwag tayo basta-basta na lamang naniniwala sa mga tsismis na lumalabas dahil sa halip na nakakatulong ito sa ating bayan ay makakasira pa ito sa ating lahat.

Related Posts

Maganda rin ang sinabi ni Duterte kay Robredo na sana ay mas maging madalas ang pagdalaw ni Robredo sa kanya sa Malacañang. Ayon kay Duterte, parte si Robredo ng administrasyon kaya mahalaga na magtulungan sila para sa ikabubuti ng ating bayan.

Kung magtutuluy-tuloy ang ganitong samahan, hindi malayo na matupad na ang nais nating makamit na tapusin ang krimen sa ating bansa at iangat ang mga nasa laylayan ng ating lipunan. Patuloy nating ipagdasal sina Duterte at Robredo para sila ay gabayan ng ating Poong Maykapal para mamuno ng maayos at matino sa ating bayan.

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 09166772989.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy