Una sa Balita

KAYA NATIN: Bigyan dapat priyoridad ang agrikultura at kalusugan

By
0 4

Ngayong linggo ay nag-umpisa na ang pagtalakay sa hinihinging P3.3 trilyon na budget para sa 2017 ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang nakakagulat sa halagang ito ay ang biglang paglobo ng budget ng opisina ni Duterte na noong panahon ni dating Presidente Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ay may budget na tatlong bilyong piso lamang pero sa hinihinging budget ni Duterte ay lumobo ito sa P20 bil­yon.

Ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, limang bilyong piso sa budget na ito ay gagamitin para sa pagsasagawa ng ASEAN conference rito sa ating bansa sa susunod na taon pero ganu’n pa man, napakalaki pa rin ng inangat ng budget ng Office of the President.

Siyempre kung umangat ang budget ng isang opisina, may ilang mga departamento naman ang natapyasan ng budget at ang isa sa mga pinakamalaking tapyas ay ang Department of Health (DOH) kung saan kulang kulang P30 bilyon ang nabawas.

Abante Hiring – IT dep

Kung matutuloy ang pagtapyas na ito, maraming mga serbisyong pang kalusugan ang siguradong mababawas para sa mga ordinaryong mga mamamayan. Ngayon pa lang nga ay kulang na ang mga gamot at ibang kagamitan sa ating mga pampublikong mga ospital, paano pa kaya sa susunod na taon kung nabawasan nang husto ang budget ng DOH.

Mahalaga ang kalusugan sa ating lipunan dahil kapag may sakit ang isang miyembro ng pamilya, nauubos ang suweldo o ang sa­vings ng pamilya. Kung ang magkakasakit ay ang mismong nagdadala ng kita para sa pamilya, siguradong gutom ang aa­butin ng kanilang pamilya.

Ito rin ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nababaon sa utang ang mga kababayan natin kaya sa halip na makapag-ipon sila para sa kanilang kinabukasan ay nauubos lamang ito para makabili ng gamot para sa kanilang mahal sa buhay. Kung magiging maayos lamang ang sistema ng kalusugan sa ating bansa, mas malalabanan natin ang kahirapan.

Isa pang natapyasan na departamento ay ang Department of Agriculture (DA). Pinangako ni Duterte na bibigyan niya ng pansin ang ating mga magsasaka at mangingisda kaya sana ay inakyat niya ang budget ng DA para mas mabigyan pa ng tulong ang mga nagpapakain sa ating bayan.

Maraming problema ang ating mga magsasaka at isa na rito ay tuwing bumabagyo ay nauubos ang kanilang pananim kaya kailangan na sila umutang muli para makapagtanim muli. Dahil dito ay nababaon na rin sila sa utang at nahihirapan na silang makabangon kaya sana ay mabigyan din ng mataas na budget ang DA para matulungan ang ating mga magsasaka sa kanilang mga kinakaharap na problema.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-677-2989.