Una sa Balita

Kaya Natin: Bantayan ang binoto

By
0 176

Noong panahon ng kampanya, dumalaw ako sa ilang mga relocation sites sa Bulacan. Nakita ko ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga kababayan natin kung saan marami sa kanila ang nakakaranas ng gutom dahil sa kakulangan ng trabaho na malapit sa lugar nila. Bukod pa rito, kailangan nila magbayad ng napakamahal para lamang sa tubig at kuryente.

Sabi nga nu’ng marami sa kanila, mas mabuti pa ang buhay nila sa Maynila dahil kahit na squatter lamang sila at wala silang sari­ling bahay ay may trabaho naman sila at kumakain ng maayos. Sana ay mabigyan ito ng pansin ng ating pamahalaan at ng bagong administrasyon.

Huwag naman sanang basta-basta na lamang itapon sa kung saan-saan lamang ang ating mga kababayan kung hindi naman sila magkakaroon ng maayos na pamumuhay sa lugar na ‘yun.

Isa pang parati ko na lamang naririnig sa kanila ay sa panahon ng kampanya ay samu’t saring nga pulitiko ang sumusuyo sa kanilang boto. Ang nakakalungkot lamang ay pagkatapos ng halalan ay ni anino ay hindi na nila nakikita ang pulitiko na nangampanya para sa kanilang boto.

Ang sabi ko sa kanila ay dapat ilista nila ang lahat ng pangako ng mga pulitiko sa kanilang lugar at pagkatapos ng halalan ay puntahan nila ito at singilin nila. Kung hindi nila ito gagawin ay parati na lamang sila lolokohin ng mga ito.

Related Posts

Hindi lamang ito hamon sa kanila kundi hamon sa ating lahat. Hindi ba’t ilang daang milyong piso ang ginastos ng maraming mga pulitiko para sa mga TV Ads nila noong kampanya? Iba’t ibang mga pangako ang kanilang binitawan gaya ng dagdag na trabaho, libreng mga scholarship para sa mga kabataan at libreng pagpapagamot para sa bawat Pilipino. Ngayong nahalal na sila sa puwesto, dapat ay singilin na natin sila.

Binoto natin sila kaya dapat ay magsilbi sila ng tapat at maayos sa bawat Pilipino. Kapag nakita nating nagkulang sila, ilista natin ang kanilang pangalan at idikit natin sa bahay natin para huwag nating makakalimutan na ang mga pulitikong ito ang dapat hindi na nagin iboboto. Tanga na tayo kung iboboto pa natin muli ang mga pinuno natin na paulit-ulit na lamang ang pangako pero parati na lamang napapako.

Ngayong tapos na ang halalan, hindi lamang sina Presidente Rody Duterte at Bise Presidente Leni Robredo ang maging pag-asa ng ating bayan. Dapat ang bawat Pilipino ay makilahok sa pulitika para siguruhin natin na tutupad ang ating mga pinuno sa kanilang mga binitiwang mga pangako.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-677-2989

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy