Una sa Balita

KAYA NATIN: Ang problema kay Trump

By
0 4

Nagulantang ang buong mundo noong nakaraang linggo nang manalo bilang susunod na Pangulo ng Amerika si Donald Trump.

Halos lahat ng mga survey ay nagsasabi na lamang si Hillary Clinton hanggang sa araw ng eleksyon pero noong matapos ang botohan ay lumabas na ang nanalo ay si Trump.

Marami ang nagulat dito dahil maraming ibinatong isyu laban kay Trump kabilang na nga rito ang kanyang pambabastos sa mga kababaihan at ang kanyang tahasang pagsabi na ayaw nitong papasukin ang mga Muslim sa kanilang bansa.

Ayon sa mga eksperto, nanalo si Trump dahil napagod na ang mga ordinaryong Amerikano sa naging pamamalakad ng mga pulitiko sa kanilang bansa kaya naman naghanap ang mga ito ng alternatibong kandidato at ‘yun na nga si Trump.

Ni minsan ay hindi nagkaroon ng posisyon sa gobyerno si Trump at kilala ito bilang isang mahusay na negosyante kaya naman nakakagulat talaga ang kanyang naging panalo.

Ano naman kaya ang magiging epekto ni Trump sa ating bansa at sa mga Pilipino? Marami ngayon ang nagsasabi na kung tutuparin ni Trump ang kanyang mga pangako ay makakaapekto talaga ito ng malaki sa ating bansa.

Isang malaking halimbawa ang kanyang pangako na ibalik ang milyun-milyong mga trabaho sa Amerika.

Sinabi ni Trump noong kampanya na paparusahan niya ang mga malalaking kumpanya sa Amerika na aalisin ang trabaho sa kanilang bansa at dadalhin sa ibang bayan.

Ito ang nangyayari ngayon sa Business Process Outsourcing (BPO) Industry o mga call center sa ating bansa. Dati-rati ay nasa Amerika ang mga call center na ito pero dahil mas mura ang pasweldo rito sa ating bansa, maraming mga kumpanya ang umalis sa Amerika at dinala ang kanilang mga call center dito sa ating bansa.

Sa kasalukuyan ay mahigit 1 milyong mga Pilipino ang umaasa sa mga call center para sa kanilang trabaho. Kapag matuloy ang gusto ni Trump, mapipilitan ang mga kumpanya sa Amerika na alisin ang mga call center dito sa ating bansa para ibalik sa Amerika.

Ang magiging malungkot na resulta ay ilang daang libong mga Pilipino ang mawawalan ng trabaho.

Sa ganitong sitwasyon, kailangan maghanda na ang ating pamahalaan na mabigyan agad ng trabaho ang mga maaaring maapektuhan ng pagpasok ni Trump bilang Pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.

Dito rin natin makikita ang husay ni Presidente Rody Duterte kung kaya niyang makiusap kay Trump na huwag nang alisin ang mga call center dito.

Sa tingin ko ay kaya naman ito ni Duterte dahil siya na nga mismo ang nagsabi na hindi niya aawayin si Trump gaya ng kanyang ginawa kay Presidente Barack Obama.

Abangan natin ang susunod na kabanata.

***

Para sa inyong mga komento, magtext sa 0916-6772989.