Una sa Balita

Kaya ‘di sumikat-sikat: Male personality walang utang na loob

0 380

Kahit pa puwede namang ilaban nang sabayan sa pag-arte ang isang male personality ay mahihirapan siyang makaangat bilang artista. Malalim ang dahilan kung bakit.

Hanggang ngayon, kahit pa matagal nang panahon ang nakalilipas, buhay na buhay pa rin ang kawalan niya ng utang na loob sa mga tao at produksiyong unang nagbigay sa kanya ng pagkakataong makilala.

Sa isang malaking umpukan ng mga tagapelikula ay ang male personality na ito ang bumida sa kuwentuhan. Detalyado ang mga dahilan kung bakit kahit marunong naman siyang umarte ay maraming nagsasabing hindi siya masyadong aangat bilang aktor.

Sabi ng isang source sa umpukan, “Hindi pa rin siya nakaaalpas sa image ng kawalan ng utang na loob. Hanggang ngayon, e, nakadikit pa rin ‘yun sa pangalan niya.

“May mga artista kasing tulad niya na kapag nakakarinig at nakakabasa na ng mga papuri, e, nakalilimot na sa mga taong unang nagbukas ng pintuan para sa kanila.

“Umaangat agad ang mga paa nila sa lupa, nalulunod na sabi nga sa isang basong tubig, ganu’n na ganu’n ang nangyari sa male personality na ‘yun na pinagtiyagaang alagaan ng mga taong naniniwala na meron siyang pupuntahan.
“Meron na silang malinaw na usapan, ‘yung unang pelikula kung saan se­cond lead lang siya, e, masusundan agad ng isa pa. Siya na ang bida. Sa kanyang character na iikot ang istorya ng movie!

“Pero nu’ng nakahanda na ang production, gigiling na ang mga camera para sa pagbibida niya, e, nagulantang ang mga taong nakatulong nang napakalaki sa kanya.

“Hindi na raw siya puwede, may gagawin na raw siyang serye sa isang malaking network. ‘Yun daw ang mas pinili nila ng bago niyang manager.
Natural, nasaktan ang production, hindi nila sukat akalain na ibibitin pala sila ng male personali­ty na sila mismo ang nag-alaga,” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Nasaan na ba ngayon ang walang utang na loob na male personality?
Pagkatapos ng seryeng ipinagmamalaki niya, may kasunod na ba, aktibo na ba siya ngayon uli sa paggawa ng pelikula?

Nakataas ang kilay na sabi ng aming source, “Waley! Waiting­ pa raw siya! Para lang siyang bula na nand’yan lang kanina, pero biglang pumutok at wala na!”
***

Alden, Kathryn movie wawasakin ang takilya

Ramdam na namin ang kasabikan ng ating mga kababa­yan sa paghihintay sa pelikulang pinagtambalan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.

Kung puwede lang nilang gawin ang paglundag sa mga araw ng kalendaryo para July 31 na. Talagang ngayon pa lang ay puwede na nating sabihin na magiging blockbuster ang Hello, Love, Goodbye nina Alden at Kathryn.

Nakagawa na naman ng matagumpay na tambalan ang pelikulang Pilipino kina Alden at Kathryn. Pareho kasi nilang panahon ngayon. Idagdag pa ang magandang ikot ng istorya ng kanilang pelikula na may suntok sa puso ng mga kababa­yan nating OFW.

Kahit saan kami magpunta ngayon ay may nagtatanong kung may pases daw ba kami ng Hello, Love, Goodbye? Lambing lang ‘yun, ibig sabihi’y interesado silang pumila para mapanood ang pelikula, sa trailer pa lang daw kasi ay iniimbitahan na silang saksihan ang pelikula nina Alden at Kathryn.

At nakakatuwa, may boyfriend si Kathryn, alam ng buong mundo na sila ni Daniel Padilla ang magkarelasyon. Pero tanggap na tanggap ng publiko ang tambalan nila ni Alden, napakagaan daw, bagay na bagay sila.

Kaya sa July 31 ay siguradong isang malaking panalo na naman sa takilya ang kanilang pelikula, isang pambatong artista ng ABS-CBN at GMA-7 ang mga bumibida, maki-Hello, Love, Goodbye na tayong lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy