Una sa Balita

Kawawa naman ang Pilipinas

0 922

Habang tumatagal, parami nang parami ang aking mga katanungan at hindi sinasang-ayunan hinggil sa pamamahala ni Duterte.

Pumutok muli ang isyu ng prangkisa ng ABS-CBN. Maalala na hayagan, paulit-ulit, at walang kagatol-gatol na sinabi ni Duterte nu’un na hindi niya papayagan makakuha ang ABS-CBN ng panibagong prangkisa—na matatapos sa katapusan ng Marso 2020—dahil sa kanyang personal na galit dito nung hindi ipalabas ng istasyon ang kanyang kampanya sa pagka-pangulo ng bansa nu’un 2016. Maraming mga mambabatas na ang naghain ng panukala para sa pagtalakay at pag-gawad ng panibagong prangkisa nguni’t hindi inaaksyunan ang mga ito. Inamin ng ilang mambabatas na matindi ang presyur ni Duterte sa usaping ito.

Sa kabila ng tila pang-iipit ng prangkisa sa Kongreso, marahil ay nangangamba si Duterte na baka makalusot ang paggawad nito kung kaya’t naniniguro siya. Muling pinakawalan ni Duterte si Jose Calida—ang kasalukuyang Solicitor-General, o Taga-usig Panlahat—upang magsampa ng kaso laban sa ABS-CBN tungkol sa ­prangkisa nito. Naghatag si ­Calida sa Korte ­Suprema ng tinatawag sa batas na petisyon para sa “quo warranto.” Ang literal na pakahulugan ng “quo warranto” ay ang tanong na “anong kapangyarihan?” Matatandaan din na ginamit ni Calida ang “quo warranto” para matanggal ang dating punong mahistrado ng Korte Suprema na si Sereno sa kanyang posisyon dahil naka-alitan ni Duterte.

Ngunit base sa ating saligang-batas, ang prangkisa—na isang uri ng pahintulot ng pamahalaan—ay kinakaila­ngan para makapagpatakbo ng isang istasyon sa telebisyon. Ang kapangyarihan na magkakaloob, bumawi at magsusug ng ganitong prangkisa ay nasa ­Kongreso. Kagaya ng interpretasyon ng ibang mga mambabatas, bukod tangi ang Konreso ang may desisyon hinggil sa prangkisa. Sa ganang akin naman, ang pagbigay ng mga may-akda ng saligang batas ng kapangyarihan ng paggawad ng prangkisa sa Kongreso ay ang pagkilala na ito ay usaping pampulitika at hindi usa­ping pambatas, kung kailan maaring sumali ang Korte Suprema. Sa madaling salita, wala dapat pakialam ang Korte Suprema sa usa­ping ito sa dahilan na ang basehan ni Calida sa kanyang petisyon ay mga katanungan hinggil sa naging ope­rasyon ng ABS-CBN at ang karapatan nitong magpatuloy humawak ng prangkisa.

Related Posts

Nasaan na ang wastong at mabuting pamamahala kapag ganito ang kilos ng ating mga namumuno? Sa halip na gumawa ng mga programa para sa ika-aangat ng antas ng pamamahala sa ating bansa, lumalabas na paurong tayo kung saan ginagamit ang kapangyarihan ng pamahalaan para sa mga pang-personal na mga pakay. Ang posisyong ni Calida ay nilikha ng batas upang tumayong abogado ng pamahalaan. Ngunit dapat linawin na ang pamahalaan at si Duterte ay hindi pareho.

Kakaunti lang ang alam ko sa batas. Ngunit parang pareho lang kami ni Calida. Tila ang kaalaman niya ay limitado sa paggamit ng petisyon para sa “quo warranto” sa mga personal na kagalit ni Duterte. Si Duterte naman ay tila limitado din ang kaalaman sa pamamahala. Ang ­buong akala niya marahil ay isa siyang emperador at ang Pilipinas ay ang kanyang kaharian kung saan pwede niyang gawin ang kahit anong gusto niya.

Kawawa naman ang Pilipinas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More