Una sa Balita

Katutubo

0 413

Maraming gamit sa salitang ‘katutubo’. Sa Ingles, puwedeng isalin ang salita bilang indigenous. Katutubo sa isang lugar. Puwedeng ipantawag sa grupo ng mga tao na lehitimo sa isang tiyak na lugar. Sa mga paaralan kapag itinuturo sa mag-aaral, madalas sinasabing katutubo ang mga pang­kat-etnikong nakatira sa ating bansa.

Puwede ring gamitin ang salitang ‘katutubo’ para ipantumbas sa salitang Ingles na endemic o iyong mga matatagpuang halaman o hayop sa isang partikular na lugar lamang.

Samantala, depende sa kung paano bibigkasin, kung mabagal, puwedeng maging pandiwa ang salitang ‘katutubo’. Ibig sabihin, bagong tubo o umuusbong pa lamang lalo kung halaman o puno ang pinatutungkulan. Katutubo lang ng sanga, halimbawa. O katutubo lang ng tahid ng manok kaya hindi pa gumugulang.

Ngunit ang pinakamaganda sa salitang ‘katutubo’ ay ang kahulugan nito batay sa salitang ‘tubo’. Oo, polysemy ang salitang ‘tubo’. Ibig sabihin, maraming kahulugan depende sa kung paano binibigkas.

Puwedeng tubo na interes sa pautang o pera sa bangko na kasinkahulugan din ng profit sa Ingles. Tubo na ‘tube’. O tubo na sugarcane sa Ingles. Pero ang tubo na tinutukoy ko na sali­tang-ugat ng katutubo ay ang pag-usbong o paglago ng halaman o puno buhat sa lupa.

Tumutubo ang halaman sa matabang lupa. Nagbibigay ng lilim at bunga ang punongkahoy na tumubo. Pero ang higit na magandang imahen ng tubo ay iyong pag-usbong, iyong pagbibigay ng pag-asa sa paglago habang nasa lupa.

Marami sa atin, kung ihahalintulad sa halaman, ang tumubo pero hindi nagkaroon ng malawakang silbi. Hindi nagkabunga, ni hindi nga nagkalilim. Bakit? Kasi nawala sa lupa. Nabunot. Natangay ng ambisyong magpa­kataas-taas. Tumayog hanggang mawala ang paa sa lupa. Hindi na naramdaman ang katotohanan ng buhay. Wala nang nakikita.

Kaya nga kay ganda rin ng kasabihang nakatapak lagi ang paa sa lupa. Sa lupa tayo tumatatag. Nagkakaugat. Nagbubunga. Dito tayo tumutubo upang pakinabangan ng lipunan.

Ganito rin ang malalim na kahulugan dapat ng katutubo. Nasa lupa, naiintindihan ang pulso ng panahon, nananatiling nakamasid sa mabilis na pagbabago. Dapat binabalikan natin ang katutubo sa ating sarili. Sukatin natin ang pagbabago batay sa kung paano natin kinikilala, halimbawa, ang mga kapatid nating katutubo.

Dahil kung walang pagpapahalaga sa katutubo, baka naman hindi tayo totoong umunlad. Baka naman niyakap lang natin ang teknolohiya at salapi nang walang paglingap.

Kunsabagay, kakulangan din yata ng institusyong kinabibilangan ko, ang edukasyon, kung paanong kulang ang paglingap sa anumang katutubo. Mas pinahalagahan natin ang paglayo, ang paglipad sa alapaap ng tinatawag nating pag-asenso: may maayos na pinansya, nabibili ang gusto, alam ang teknolohiya, nakakapag­lakbay kung kailan naisin.

Pero walang pagli­ngap sa anumang katutubo. Na para bang ang lahat ay dumating na lang na inihanda para sa atin. Walang pinagmulan, walang umusbong. Malago na lahat.

Walang kinikilalang katutubo kaya’t tina­ngay sa alapaap ng ambisyon. Na, ang totoo, ambisyong walang bis­yon at direksyon.

***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa aking Facebook account: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy