Una sa Balita

Katrabaho tinarakan sa dibdib

By
0 1,132

KULUNGAN ang bagsak ng isang construction worker matapos mapagtripan ng kasamahan sa trabaho na bugbugin kaya nagawang­ saksakin ito ng bote habang nag-iinuman at nanonood ng sugal, kahapon nang madaling-araw sa Brgy. Barangka Itaas, Mandaluyong City.

Nahaharap ngayon sa kasong frustrated homicide ang suspek na si Jessie Dela Cruz y Roque, 24-anyos, matapos saksakin ng bote sa dibdib ang biktima na si Freddie Labugin, 40-anyos, mason.

Nabatid na magka­babayan ang dalawa sa Tarlac City.

Abante Hiring – IT dep

Nag-iinuman umano ang dalawa kasama ang isa pang kasamahan sa construction site na si Ruben Libed y Lumbania, 41-anyos, bandang alas-12:40 nang hatinggabi sa loob ng kanilang barracks sa Canary Stone Building sa San Roque St., Brgy. Barangka Itaas.

Ayon kay Libed, nag-iinuman sila at nagla­laro ng pusoy-dos habang nanonood lang si Dela Cruz nang bigla na lang nagalit si Labugin dahil wala pa umano ang hinihintay nitong pamangkin at napagbalingan ng galit si Dela Cruz at sinapak ito.

Marahil ay nagulat umano si Dela Cruz na nakainom na rin kaya agad na kumuha ng bote, binasag at ito ang ipinangsaksak sa dibdib ng biktima.

Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang security guard ng construction site na si Gerome Millamina kaya rumesponde sina PO1 Romeo Tollangao at PO1 Crisostomo Presto Jr. at inaresto ang suspek.

Nakaratay ngayon sa Mandaluyong City Medi­cal Center ang biktima habang nakakulong na sa himpilan ng pulisya ang suspek.