Una sa Balita

Katarungan

By ,
0 1,042

Napakaganda ng salitang katarungan. Natural na natural sa atin ang salita. Pansinin: hindi ang salitang ‘hustisya’ na hiram buhat sa Español, na buhat naman talaga sa salitang Latin na ‘justitia’, ang ginamit at gagamitin ko sa kolum na ito.

Ang salitang-ugat ng ‘katarungan’ ay ang salitang Binisaya na ‘tarong’ na ang ibig sabihin ay nararapat, tama, o patas. Ibig sabihin, batay sa salitang ‘tarong’, natural sa atin ang maghangad ng katarungan dahil nakaukit sa ating kultura ang maging patas sa kapwa; ang gumawa nang tama at patas o fair.

Madalas nating marinig at mabasa itong salitang ‘katarungan.’ Madalas gamitin mula sa pinakamalalalim na dahilan ng mga naghahangad nito hanggang sa pinakamababaw na satsat ng politiko lalo’t gustong mahalal kaya ipinapangako ang kahit anong magandang pakinggan, gaya ng pagkakamit nga ng katarungang siya mismo ay hindi nagbibigay.

Ang pag-usapan ang masalimuot na konsepto ng katarungan, lalo’t sa isang maliit na espasyo tulad ng kolum na ito, ay hindi pagbibigay ng katarungan sa pag-unawa sa katarungan. Pero sisikapin kong magbigay ng kaunting karagdagang paglilinaw.

Madalas, napagkakamalan natin na ang katarungan ay kasingkahulugan ng pagganti, lalo iyong bumatay sa sinaunang paniniwalang kung ano ang inutang ay siya ring kabayaran. Kaya kung buhay, dapat ay buhay din ang kabayaran.

Nakabatay ang katarungan sa pagkakapantay-pantay. Ito ang sandigan. Kaya gasgas na ngang talakayin na ang simbolo ng katarungan ay timbangan na hawak ng isang babaeng may piring. Ibig sabihin, walang kinikilalang uri ang pagbibigay ng katarungan.

Walang kinikili­ngan. Walang mahirap o mayaman.

Pero sa ating bansa, mistulang nagbabago na ang paniniwala. Nagkakaroon na ng kinikilingan ang kataru­ngan. Ang mayaman nga naman, makakakuha ng pinakamagagaling na abogado, magtatagal ang kaso dahil sa kung ano-anong teknikalidad.

Samantala, ang mahirap, kailangang maghanap ng ikabubuhay. Kung magtatagal ang paglilitis, kabuhayan na niya ang masasakripisyo. Hindi iilang pagkakataon na makakilala ako ng mga mahihirap na tumigil na sa paghahanap ng katarungan sa korte ng ating bansa.

Dito pumasok ang isa sa paraan ng mananampalataya: ang pagpapasadiyos ng kanilang paghahanap sa katarungan. Sasabihin ng ilan, bahala na ang Diyos. Diyos na ang bahalang magdulot ng katarungan, kung hindi sa buhay na ito, tiyak sa kabilang buhay.

Kaya sa pananampalataya tumatakbo ang pinagkaitan ng katarungan. Lalo na ang mahihirap. Kung hindi nga lang sa mangilan-ngilang pagkakataon na nabibigyan ng kataru­ngan ang kaapihan.

Nitong nagdaang Huwebes, nahatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo ang tatlong pulis-Kalookan na sangkot sa kaso ni Kian Delos Santos, ang 17-anyos na batang pinatay noong nagdaang taon.

Sa pananaw ng marami lalo na ng naulila ni Delos Santos, kataru­ngan ito. Ngunit, at dito nagi­ging komplikado ang lahat hinggil sa katarungan, kawalang-katarungan diumano ito sa hanay ng pulisya lalo na ang pamilyang iiwan ng tatlong nahatulang mabilanggo nang habambuhay.

Bawat isa ay nana­nawagan ng kataru­ngan. Ngunit sa dala­wang panig, hindi pupuwedeng dalawa ang sabay na madulutan ng katarungan. Sino ang huling magsasabing naisilbi nga ang katarungan? Lalo sa isang sistema ng hudikaturang mayroon tayo? Mahirap. Pero dapat pa ring asahan ang sistema.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy