Una sa Balita

Katarungan para kay Ed Dizon

0 368

Gabi ng July 10, 2019. Walang a­wang pinagbabaril hanggang mapatay si Eduardo ‘Ed’ Dizon, isang radio commentator ng Brigada News FM sa Kidapawan City. Isa na namang krimen sa mi­yembro ng media.

September 18, 2019 ay isinampa ang kasong murder laban kina Junell Jane Andagkit Poten alyas Junell Gerozaga, Sotero Jacolbe, Jr. alyas Jun Jacolbe, at Dante Encarnacion Tabusares alyas Bong Encarnacion.

Sina Tabusares at Jacolbe ay mga local broadcaster din.

Si Kidapawan City acting city prosecutor Mariam April Mastura-Linsangan ang naghain ng ‘information for the crime of murder’ sa Regional Trial Court ng nasabing lungsod, na naka-docket bilang Criminal Case No. 5281-2019.

Ayon kay Mastura-Linsangan, nagsagawa siya ng karampatang preliminary investigation at personal na kinausap si Madonna Dizon, ang maybahay ng biktima na siya ring principal complainant, at maging ang ibang pang testigo. Malakas ang kanyang paniniwala na may krimen na naganap at ang mga akusado ay posibleng guilty.

Ang isa pang respondent na nakilalang si Hilario Cavan Lapi, Jr. ay nasa ilalim na ng Witness Protection Program at binigyan ng WPP Certificate of Admission ng Department of Justice.

Si Lapi ang nagsilbing lookout nang patayin si Dizon.

Ang pagpatay kay Dizon ay may kaugnayan sa maanomalyang Kapa investment scam na kanyang tinutuligsa sa kanyang radio program. Nakalulungkot lang na mga miyembro rin ng media ang diumano’y nagpatahimik sa kanya.

Nang maganap ang krimen na ito ay hindi kami tumigil ni Undersecretary Joel Sy Egco, Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) exe­cutive director, hangga’t hindi ito nagkakaroon ng linaw at nasasampahan ng kaso ang mga salarin. Noong August 22, 2019 ay iniharap namin sa media sa Malacañang ang dalawang testigo sa krimen, at mula roon ay gumulong na ang katarungan para kay Dizon.

Ibig sabihin po nito ay hindi usad-pagong ang imbestigasyon at lahat ay kumikilos. Malaking factor din dito ang positibong epekto ng Administrative Order No. 1 ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang pinirmahan noong October 11, 2016 na lumikha sa PTFoMS para mapangalagaan ang kapakanan at seguridad ng ating mga mamamahayag.

Isa rin sa inaabangan natin ay ang pagkakamit ng hustisya ng pamilya ng mga naging biktima ng Maguinda­nao massacre na karamihan ay miyembro ng media.

Halos isang dekada na ang isinasagawang imbestigasyon sa kasong ito na naganap noong November 23, 2009. Matapos ang hindi mabilang na dela­ying tactics at pagpapaliban ng court hearings ay dumating na rin sa dulo ang pagdinig sa husgado at nakadeklara nang “deemed submitted for decision”.

Pangunahing mga akusado rito ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan, na isang powerful political clan.

Kung wala ang AO No. 1 ni Pangulong Duterte, baka hindi pa rin natin masasaksihan ang pagbibigay ng desis­yon sa kasong ito.

Maibalik ko lang sa kaso ni Dizon, may pakiusap po ako sa mga kapatid sa hanapbuhay. Nasa ganito po tayong propesyon para magsiwalat ng katotohanan, at wala ng iba pa. Sana ay iwasan natin na magpagamit para hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Ano na lang po ang sasabihin ng publiko sa media kung ang iba sa atin ay nasa payroll ng mga lumalabag sa batas, at tayo pa mismo ang pumapatay sa ating mga kasamahan sa pamamahayag na matapat na tinutupad ang kanilang tungkulin?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy