Una sa Balita

Kasunduan sa China vs iligal na droga, ikasa — Batocabe

By
0 365

Iginiit ng isang kongresista na kung itinuturing na tunay na kaibigan ng China ang Pilipinas ay dapat tumulong ang mga ito sa pag-awat at pagsugpo ng mga iligal na droga na ibinabagsak sa bansa.

“Saan ba galing ang illegal drugs? Sa China? Sabi natin kaibigan natin ang China eh bakit wala man lang tayong relasyon? ‘Yung PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) natin dapat makipag-usap sa law enforcement sa China para hindi tayo magiging bagsakan ng mga droga nila,” paghahayag ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe sa isang panayam kahapon.

Kung hindi umano aalalay ang Tsina ay pihadong mapagdududahan ang inihahatag na pakikipagkaibigan nito sa Pilipinas.

“Kapag hindi sila makipagtulungan sa atin magduda na tayo. Anong klaseng kaibigan ‘yan? Kung kaibigan talaga natin ang China dapat tulu­ngan tayo sa pagsugpo ng droga,” dagdag ng solon.

Ipinunto ng mambabatas na dapat ay magkaroon ng agreement ang Pilipinas at Tsina sa usapin na ito at hindi lang sa mga kasunduan sa proyekto.

“Dapat may kasunduan tayo sa China. Mabuti kung hindi tayo ang binabagsakan, tayo ang binabagsakan eh dapat tulungan tayo ng China hindi lang sa imprastruktura kundi tulungan tayo sa pagsugpo nito. ‘Yung PDEA dapat magbigay sila ng intelligence report sino ba ang mga drug lord sa China? So dapat may information sharing,” sabi pa nito.