Una sa Balita

Kasunduan o kasubuan sa China?

By
0 524

Umabot daw sa 29 ang naisarang kasunduan ng Pilipinas sa China sa pagbisita sa bansa kamakailan ng Chinese President Xi Jinping.

Ang isa sa itinuturing na mahalaga dito, ang memoranda of understanding (MoU) on cooperation on oil and gas exploration.

Noon pa sinasabi ni President Mayor Rod­rigo Duterte na isa sa mga dahilan kaya purdoy o mahirap ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa ay ang kawalan natin o limitado lang ang namiminang langis. Sa ngayon, ang pinakamalaking pinakikinaba­ngan nating mina ay ang ‘Malampaya’ natural gas sa karagatang bahagi ng Palawan pero paubos na.

May namimina na rin ngayon na natural gas at langis sa Alegria, Cebu pero hindi rin naman masyadong malaki para payamanin ang bansa at gawing libre sa income tax ang Pinoy. Kaya naman kung matutuloy ang posibleng tandem ng Pilipinas at China sa pagtuklas ng anumang mina sa bansa natin, aba’y walang masama. Kung tutuusin, Chinese firm din naman ang contractor sa minahan sa Cebu.

Ang tanong lang tiyak ng marami sa atin, papaano ang hatian? Kung gagawin ang paghaha­nap ng mina sa South China Sea na sakop ng Pilipinas, natural na dapat lang na maging mas malaki ang pakinabang at parte ng Pinoy.

Ang kaso, inaangkin ng China ang buong South China Sea sa kanilang ‘made in China’ na mapa na nine-dash-line. Kaya ang mangyayari, para bang sinasabi nila na ang kay Chua ay kay Chua; at ang kay Juan, kay Chua pa rin. Kung ganito ang hirit nila, aba’y baka napasubo lang ang Pilipinas.

Dapat lang naman siguro na masuring mabuti ang mga kontrata at matiyak kung hindi masu-shoot sa banga ng ‘debt trap’ si Juan; bagay na sinapit ng ibang maliliit na bansang pinautang nang bongga ng China hanggang sa hindi na makabayad kaya sila na ang magdidikta kung ano ang nais nilang kuning kolateral.

Maliban pa doon, dapat din sigurong tiyakin na hindi na mauulit sa mga bagong kasunduan sa China ang iskandalong ‘ZTE Deal’ na nangyari noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, na nabulabog ng kontrobersiya nang dahil daw sa ‘tongpats’ o ‘kickback’ hanggang sa hindi na natuloy.

Ano-ano kaya ang ‘terms’ o kondisyon sa 29 na kasunduan? Kasama kaya rito ang kasunduan na dapat payagan ng Pilipinas na magtrabaho sa mga gagawing proyekto ang kanilang mga kababayang manggagawa? Sa kanila kaya dapat kunin ang mga materyales na gagamitin sa mga proyekto tulad ng mga imprastruktura gaya ng tulay o riles ng tren, kahit na mas mahal at mahinang klase kaysa sa ibang bansa? Aba’y kapag ganito, lalabas na ginawan nga tayo ng proyekto, kikita pa rin sila sa materyales at may utang pa tayo.

Huwag nang magtaka ang China kung mababa ang tiwala sa kanila ng mga Pinoy. Kung hindi sana sila nambarako ng mga mangingisdang Pinoy sa South China at West Philippine Sea, at kung hindi sana sila naglagay ng mga isla sa mga teritoryo natin, baka kahit ilang oras pang inabala ng pangulo nilang si Xi ang daloy ng trapiko na papunta at palabas ng NAIA, eh baka nakangiti pa rin sa kaniya ang mga naperwisyong motorista at mga pasahero. Ang kaso hindi, kaya tiyak na katakot-takot na mura ang inabot niya.

Pero hindi pa naman huli ang lahat, kung nais ni Xi na matuwa sa kaniya ang mga Pinoy, isama nila sa kasunduan ang turnover sa Pilipinas ng mga ginawa nilang isla at kilalanin nila ang desisyon ng Arbitral Tribunal. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy