Una sa Balita

Kasulatan kailangan sa kasunduan

0 452

Dear Atty,

Good morning Attorney.

Gusto ko lang po sanang humingi ng tulong sa inyo tungkol sa bahay na ibinigay ng magulang ng asawa ko upang tirahan namin. Pero walang kasulatan.

Bago po kasi kami nagpakasal, ipina­ngako po ang bahay na iyon ng nanay niya sa magulang ko kasama na ang pagpapaaral sa akin dahil 19 years old pa lang po ako, at maagang nabuntis ng anak niya.

Sa makatuwid napagkasunduan na lamang pong ipakasal kami. Matapos po ang kasal ay doon na po kami tumira pero marami pong problema ang bahay tulad ng walang maayos na bentilasyon at maingay ang paligid na hindi ko po natagalan maging ng baby namin nang pagkapanganak ko.

Dati po iyong pinapaupahan ng nanay niya bago namin tirahan. Ngayon, minabuti naming mag-asawa na umupa sa ibang lugar na kung saan ay maayos at komportableng tirahan at binabalak na paupahan na lang ‘yung bahay na nauna naming tinirahan.

Nalaman po iyon ng magulang ng asawa ko at pinipilit niyang kunin ang bahay sa amin. Wala raw kaming karapatang paupahan ‘yon dahil sa kanya daw iyon.

May gamit pa po kami sa bahay na iyon at kasalukuyang naka-lock. Banta niyang bubuksan po iyon at ide-deliver na lang daw ang gamit namin sa tinitirahan namin ngayon.

Tanong ko lang po sana kung meron po ba akong karapatan sa bahay na ipinangako sa akin bago pa lamang ikasal

Maging ang asawa ko ay kung may karapatan ba sa bahay na iyon? May karapatan ba ka­ming mag-asawa na ipaglaban ang pagpapaupa sa bahay? Sana po matulu­ngan ninyo po kami.

Mrs. Eileen

Mrs. Eileen,

Ang isang kasunduan ng pagbibigay o donation ay hindi nagkakaroon ng bisa kapag hindi ito nakasulat at pati ang pagtanggap ng donation ay dapat na may kasulatan din.

Sa sitwasyon ninyo ay malinaw naman na kinikilala mo naman na ang biyenan mo ang talagang may-ari nito sa simula’t sapul pa dahil pinapaupahan niya ang bahay bago pa kayo kasal.

Dahil dito ay nananatiling siya ang may-ari ng bahay ay may karapatan siyang bawiin ito sa inyong mag-asawa. Kahit na ang asawa mo ay wala pang karapatan sa ari-arian ng kanyang mga magulang habambuhay pa ang mga ito.

Ang karapatang magmana ng anak ay uusbong lamang kapag wala na ang mga magulang niya.

Bago naman nila kayo mapaalis ay kakaila­nganin niyang dumaan sa proseso ng ejectment kung saan dapat na siya ay magpadala ng isang demand letter at saka magsampa ng kasong ejectment kung hindi kayo boluntaryong aalis at tatanggalin ang gamit sa loob ng bahay.

Gusto pa ba ninyong humantong ang relasyon ninyo sa ganito Ang maganda ninyong gawin ay kausapin ang biyenan mo at ipaliwanag kung bakit kayo lumipat ng tirahan.

Malamang ay sumama lamang ang loob niya dahil sa hindi ninyo pagtanggap ng kanyang alok at lumalabas pa na pagkakakitaan ninyo ang bahay na pinagkatiwala niyang gamitin at tirahan ninyo.

Kung maipapaliwanag na mas mainam na lumipat para sa interes ng anak ninyo na dapat na manatili sa isang lugar na tahimik at tulong na lamang niya bilang lola na hayaan doon sa upa ng bahay niya kunin ninyo ang pambayad sa uupahang bahay.

Sabihin na mahihirapan kayo kung walang pagkukunan ng pagkakakitaan sa bayad sa mga gastusin.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More