Una sa Balita

Kaso pa ng smuggling isinampa ng BOC vs 3 kompanya, kasabwat na mga empleyado dinamay

By
0 124

NAGHAIN ng panibagong kaso ng smuggling ang Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ).

Kasama sa mga ini­reklamo ng BOC ang presidente at customs broker ng ASD Total Package Enterprises na sina Ariel Sagun De Mesa, at Michael Miranda Sumile, dahil sa pag-aangkat ng P1.2 mil­yong misdeclared na sibuyas sa Manila International Container Port (MICP) noong Setyembre.

Ang walong ASD shipment ay dumating sa MICP noong Agosto 14 at ang mga ito ay idineklara na naglalaman ng 20 libong kahon ng mansanas pero nang inspeksyunin ay sako-sakong pulang sibuyas ang nadiskubre na natatabunan ng mga kahon ng mansanas.

Sina De Mesa at Sumile ay kinaasuhan ng reklamong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 at sa Revised Penal Code.

Ang ikalawang reklamo ay inihain laban kina Gregorio Dela Cruz. June Navarro at Hilario Vicencio dahil sa iligal na pag-aangkat ng mga piyesa ng baril at mga bala na nagkakahalaga ng isang milyong piso.

Ang tatlo ay ipinagharap din ng paglabag sa CMTA at Republic Act 105-91 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ang ikatlong kaso naman ng smuggling ay ini­hain laban sa D3S Trading proprietor na si Del Salumbre at customs broker na si Ma. Theresa Santos, dahil sa pag-aangkat ng misdeclared forklift, 18 drum ng gly­cerol chemical, cellular phone, piyesa at accessories ng mga motorsiklo, laptop at piyesa ng mga computer na ang halaga ay aabot sa P1.5 milyon.

Paglabag din sa CMTA at sa Revised Penal Code ang inihain laban sa kanila.

Hindi rin pinalagpas ang BOC ang mga empleyado nito na diumano’y nakipagsabwatan sa D3S Trading na sina customs exami­ner Fe Serna, OCOM (Office of the Commissioner) Representative Manuel Yapan, Jr., Gerardo Porbile ng Office of the District Collector at principal appraiser na si Danilo Rigor.

Ang mga kawani ng BOC ay kinasuhan ng paglabag sa CMTA at Revised Penal Code.