Una sa Balita

Mga Kwentong OFWs: Kaso ng nagpatiwakal na OFW tututukan

By ,
0 11

Nakatutok pa rin ang Blas F. Ople Policy Center sa kaso ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-pitong palapag na gusali na pagmamay-ari ng kanyang amo sa Jeddah, Saudi Arabia ­kamakailan.

Sinabi ni Susan Ople, pangulo ng Blas F. Ople Policy Center, na patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa mga authorities ng Jeddah na humahawak sa kaso ng OFW na si Jenny Ross Aguna-Reyes, 35, na nagpakamatay ito.

Napag-alaman ding ang biktima ay dati nang domestic helper sa ­Kuwait bago pa man ito mapalipat sa Jeddah.

Ayon kay Ople, dala­wang linggo pa lamang sa nasabing bansa si Jenny nang matagpuan ang katawan nitong nakasubsob sa damuhan sa labas ng kanilang apartment noong Mayo 28 ng taong kasalukuyan.

Iginigiit ng employer nito, pagpapakamatay ang motibo ni Jenny kaya ito tumalon sa gusali.

Hindi naman naniniwala ang mga kaanak at asawa ng biktima dahil sabi ni John Paul, maayos naman ang lagay ng kanyang asawa nang maka­usap niya ito apat na araw bago ito mamatay.

Ayon pa kay Ople, nangako na ang Department of Foreign Affairs (DFA) na aasikasuhin nila ang asawa ng OFW na si John Paul sa paglipad nito patungong Jeddah, Saudi Arabia, para alamin ang ilan pa sa mga impormas­yong may kaugnayan sa pagkamatay ng kanyang asawa.

“This is the best way for the bereaved family to find peace and solace given their loved one’s mysterious death,” sabi pa ni Ople.

Pinasalamatan naman ng Policy Center ang DFA at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ilan pang mga lokal na ahensiya sa pagpayag ng mga ito sa kanilang rekomendasyong papuntahin si John Paul sa Jeddah.

Inaayos na ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Saudi Arabia ang visa ni John Paul para mapabilis ang pagpunta nito sa nasabing bansa.

Sinabi pa ni Ople, na tatagal lamang ng dalawa hanggang tatlong araw si John Paul sa nasabing bansa upang masilayan ­lamang niya sa morgue ang kanyang asawa at aa­lamin din nito ang takbo ng kaso ng kanyang asawa.

Aniya, hindi pa maiuuwi ang labi ni Jenny at posibleng tatagal pa ito ng dalawang buwan bago madala ito sa Pilipinas.

Nangako rin ang lokal na ahensiya ng Sphinx Manpower Agency na kanilang sasagutin ang roundtrip ticket ng asawa ni Jenny kasabay ng pagtulong ng OWWA sa naiwang pamilya, kasama ang kanyang dalawang naulilang anak.

“This is a good ­example of a tripartite effort to assist a grieving OFW in their search for the truth about Jenny Ross’ death. We pray that the truth shall finally be uncovered with the help of the Saudi Authorities and our National Agencies,” pahayag pa ni Ople.