Una sa Balita

Kaso ng dengue lumobo sa Ilocos Sur

0 177

IKINABAHALA na rin ng Provincial Health Office (PHO) ng Ilocos Sur ang pagtaas ng kaso ng dengue na kung saan tumaas na sa 103 percent ngayon taon kumpara noong nakaraang taon.

Ayon kay PHO officer Dr. Carmeliza Singson, mula Enero hanggang Agosto sa taong kasalukuyan, aabot na sa 740 ang kabuuang bilang ng mga dengue patient sa probinsiya kung saan sa bayan ng Sto. Domingo sa nasabing lalawigan ang naitala ang pinakamaraming bilang, na sinundan ng Candon City.

Ayon kay Singson, mula sa kabuuang bilang ay apat na ang namatay dahil sa dengue virus kung saan ang huling biktima ay isang Indian student sa University of Northern Philippines (UNP).

Aniya, dahil dito, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng PHO sa mga Municipal Health Office (MHO) at hikayatin ang publiko na sundin ang 4S strategy o ang ‘Search and destroy’, ‘Seek early consultation’, ‘Self-protection’ at ‘Say yes’ to fogging.’

Sinabi ni Singson na malaki ang tulong ng komunidad upang maiwasan ang dengue sa pamamagitan ng tulong-tulong na paglilinis ng kapaligiran upang matanggal ang mga lugar na kung saang may nakaimbak na tubig na posibleng pangitlogan ng mga lamok na may dalang dengue virus.

Ayon pa kay Singson, ayaw na nilang mangyari pa ang sitwasyon noong nakaraang taon na hindi na kasya sa mga ward at pati hallway ng Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang (ISPHGS) ay okupado na ng mga dengue patient kung kaya’t puspusan ang kanilang kampanya laban sa dengue.

Kamakailan, nagpahayag din na parehong pangamba ang PHO Ilocos Norte sa pagtaas ng nasabing sakit.

Ayon kay Dr. Josephine Ruedas, ng PHO Ilocos Norte, lima na ang namatay at kulang 500 na ang bilang ng mga dinadapuan ng dengue virus.

Sinabi ni Ruedas kinilala ang dalawang nasawi mula sa bayan ng Dingras, habang tig-iisa mula sa bayan ng Badoc, Solsona at Laoag City.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy