Una sa Balita

Kaso ng Davao bombing, sarado na

By ,
0 3

Pormal na iprinisinta kahapon ng hapon ng pamunuan Department of National Defense (DND) ang tatlong pangunahing suspek sa naganap na pagsabog sa night market sa Davao City na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng may 70 iba pa.

Sa isang press confe­rence kahapon sa Camp Aguinaldo, iniharap mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang tatlong suspek na pawang mga miyembro ng notorious Maute terrorist group.

Kinilala ang mga ito na sina TJ Tagadaya­ ­Macabalang, Wendel Apostol Facturan at ­Musali Mustapha.

Ayon kay Lorenzana, nadakip ang tatlo noong Oktubre 4 sa isang joint police at military checkpoint sa Cotabato City at sa pagkakadakip sa mga ito’y maituturing na ring ‘case closed’ ang Davao bombing.

“The three terrorists have direct participation on the September 2 Davao bombing,” pahayag ni Lorenzana na bagama’t hindi na idinetalye ang pag-aresto sa tatlo, sinabi nito na nasakote ang mga ito sa isang checkpoint habang sakay ng walang plakang motorsiklo. Nakuhanan din ang mga ito ng improvised explosive device nang maaresto.

Sinabi pa ni Lorenzana na gumamit ng improvised explosive device na binubuo ng 60mm at 81mm mortar ang mga suspek kung saan kapareho ito ng ginamit na pagpapasabog sa Ecoland Terminal, sa nasabi ring lungsod.

Sinasabing ang tatlo ay pawang naging estud­yante ni Malaysian bomb maker Zulkilfi bin Hir na naging target ng ope­rasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong ­Enero 2015.

Sa nasabing press briefing, ipinanood ni Lorenzana sa media ang video ng naganap na pagsabog sa Davao City night market na nakuha mula sa cellphone na nakumpiska mula sa mga dinakip na suspek.

Nakita sa video na narinig na sumisigaw ang mga suspek ng “Allahu Akbar!” Kasabay ng pagtakbo ng mga tao habang sumisigaw din ng “Tabang! Tabang! (Help! Help!)”.

Ipinaliwanag ni Lorenza sa kanyang statement na si Macabalang ang nagsilbing triggerman kung saan siya ang tumawag sa cellphone para sumambulat ang bomba habang si Facturan ang mismong nagtanim ng bomba sa ilalim ng bangko bago iwan at si Mustapha ang kumuha ng video bago at habang nagaganap ang pagsabog.

Samantala, ikinagalak naman at pinapurihan ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio ang pag-aresto sa mga suspek.