Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kasambahay instant donya sa pamana ng amo

0 53

Biglang naging milyonarya ang isang tindera ng asin at kasambahay sa Hong Kong matapos suklian ng kanyang among senior citizen ang kanyang kabaitan.

Sa isang episode ng ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’, naitampok ang magandang kapalaran ni Daisy Budca-eng, na taga-Benguet.

Kuwento ni Daisy, 16-anyos lamang siya noon nang mabuntis at makapag-asawa. Nagtinda siya ng asin ngunit hindi sapat ang kanyang kinikita kaya naisipan niyang magtrabaho rin sa Hong Kong gaya ng kanyang mga kapitbahay.

Hindi man pinalad sa unang amo, sinuwerte si Daisy sa bagong amo niya na si Marie, isang senior citizen na Portuguese.

Nasa 900 HK dollar o katumbas ng P2,700 bawat buwan lamang daw ang sinasahod niya pero ayos lang sa kanya ito dahil mabait sa kanya si Marie at itinuring siyang kapamilya.

Sumama at nanirahan pa raw si Marie kasama si Daisy sa Pilipinas dahil ayaw nitong magpaiwan sa home for the aged sa Hong Kong. Pumanaw si Marie noong taong 2002 dahil sa sakit sa puso.

Laking gulat na lang umano ni Daisy nang ipabatid sa kanya ng pamilya ni Marie na kasama siya sa last will and testament ng pumanaw na amo na 11 taon niyang pinagsilbihan.

Pinamanahan siya ng kanyang amo ng mga ari-arian tulad ng apartment building na nagkakahalaga ng P26 milyon, dolyares na P25 milyon at mga stock sa iba’t ibang kompanya. (Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.