Una sa Balita

Kasama ng laban sa dengue,pigilan ang banta ng tuberculosis!

0 434

USAPANG KALUSUGAN at kababaihan
Sen. Risa Hontiveros

Kasabay ng nakaa-alarmang epidemiya ng dengue sa bansa, dapat nating bantayan ang pagkalat ng isa pang sakit na nagpapahirap — at sa kasamaang palad, pumapatay — sa marami nating kababa­yan: ang tuberculosis o TB.

Nitong nakaraang briefing na isinagawa ng Department of Health (DOH) sa Senate Committee on Health, sumambulat po sa amin sa Senado ang naka­babahalang sitwasyon ng paglobo ng bilang ng may tuberculosis sa bansa.

Ayon sa ulat ng DOH, mayroon nang higit sa 1 milyon na kaso ng tuberculosis sa Pilipinas. Noong 2018 lang, halos 1,600 na Pilipino ang nadiagnose na may TB sa bawat araw. Dahil dito, nasa 60 hanggang 70 na kababayan natin ang maagang namamatay dahil sa TB kada araw.

Babala pa ng DOH, inaasahan na aabot sa 2.5 million ang bilang ng Pilipinong may tuberculosis pagdating ng taong 2020. Kaya naman hindi na nakapagtataka na kagaya ng dengue, ang Pilipinas ang may pinakamataas na kaso ng TB sa Southeast Asia, at pangatlo sa pinakamataas sa buong mundo, ayon na rin sa datos ng World Health Organization.

Related Posts

Kung tutuusin, ‘preventable disease’ o naiiwasan na sakit ang TB. Libreng nakukuha ang gamot sa TB sa ating mga health center, at may bakuna na nagpoprotekta laban dito. Naiiwasan din ang pagkalat ng sakit na ito kung malinis ang kapaligiran. Kung agarang kikilos ang pamahalaan at maglalaan ng sapat na aksyon at atensyon sa sakit na ito, siguradong mapapababa natin ang kaso ng TB sa bansa.

Dapat sigurong pag-aralan ng DOH ang pagdeklara ng isang ‘state of emergency’ ukol sa tuberculosis, tulad ng deklarasyon ng ‘national dengue epidemic’ kamakailan lang. Kasama ng laban sa dengue, kailangan na higit na kumilos ang gobyerno at mga sangay nito para labanan ang TB at pigilan ang pagkalat ng sakit sa mga siyudad at probinsya.

Isa rin sa dapat pagtuunan ng pansin ng DOH ay ang maagang diagnosis ng mga kaso ng TB, na susi para sa epektibong paggamot at pag-iwas sa pagkalat ng sakit. Ang problema kasi, marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang tamang impormasyon pagdating sa TB, kahit na mayroong Google at social media.

Kaya bilang mamamayan, ang hamon sa ating lahat ay makinig at makialam sa laban sa tuberculosis. Ayon na rin sa DOH, ang kadalasang simtomas ng TB ay lagnat, chronic cough o malalang pag-ubo, pag-ubo ng dugo, pananakit ng dibdib, kawalan ng gana kumain, at night sweats. Kung mayroon sa inyong pamilya ng ganitong mga simtomas, lumapit po kayo sa pinakamalapit na opsital o health center.

Sa laban sa dengue at tuberculosis, kooperasyon ng publiko ang kailangan para matigil na ang banta ng mga sakit na ito sa kalusugan ng ating mga pamilya. Maging maalam at alerto po tayo!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy