Una sa Balita

Kasalanan sa lipunan

0 544

Nakalagay sa isang poster sa wikang Ingles na “ang integridad ay ang paggawa ng tama kahit na walang nakatingin.” Tiyak na maraming sasang-ayon sa pagpakahulugan. Mayroon din namang makikipag-argumento na dahil ang salitang ‘tama’ ay may iba-ibang interpretasyon, mahirap din maghusga. Ang tama sa isa ay maaaring ituring na mali ng iba. Isang halimbawa dito ay ang mga pananaw hinggil sa mga ginagawa ng pamahalaan o ng Pangulo.

Kamakailan, mara­ming bumatikos kay Duterte sa kanyang istilo ng pananamit noong siya ay nasa Moscow. Para sa kanila, ang hindi tamang pagsuot ng Pangulo ng kanyang kurbata ay isang uri ng kawalang respeto sa kanyang mga kausap. Sa pananaw nila, hindi siya naroon bilang si Duterte lamang, ngunit bilang kinatawan ng bawat Pilipino. Samakatuwid, dapat ipinakita ng Pangulo ang paggalang ng sambayanang Pilipino sa mga kausap niya. Para naman sa mga tagapagtanggol ni Duterte—kagaya ni Panelo—hindi lang sanay ang Pangulo na mahigpit ang kurbata at walang halong intensyon na mambastos.

Ngunit, dahil tayo ay nasa isang sibilisadong mundo, may mga nararapat na asal na dapat sundin. Maaari bang ikatwiran na ang isang kilos ay likas sa isang tao at nagpapakatotoo lang siya? Paano na lang kung—sa paggamit ng ganitong pag-iisip—ang Pangulo ay nagpunta sa kanilang pagpupulong nang naka-shorts o naka-sando? Ang isang tanda ng pagiging sibilisado ay ang pagkakaroon ng mga panuntunan ng pagkilos na dapat sundin ng lahat.

Paano sasabihin ng pamahalaan na dapat sumunod ang mga mamamayan sa tamang asal—kagaya ng hindi pagkakalat ng basura—kung ang ating Pangulo ay—sa maliit na bagay lamang, ay hindi rin makasunod?

At may problema nga. Palagi natin naob­serbahan ang walang pakundangan pagtatapon ng mga basura. Maaaring sabihin din na ang ganitong sitwasyon ay bunga ng kawalan ng basurahan. Tamang katwiran ba ito? Ilang beses natin nakikita ang mga nasa kanilang mga sasakyan na biglang maghahagis ng basura sa labas ng bintana. Nakakalungkot, ‘di ba?

Tila hindi natin naiintindihan na ang mga paglabag sa mga batas o pamantayan ng tamang pagkilos ay kasalanan sa lipunan. Ang dapat natin tandaan ay—maaaring hindi tuwiran—bawat isa ay kasama sa bumuo ng patakaran bilang kasapi ng lipunan.

Noon pa man, hanggang ngayon, masyadong personal ang pagtrato natin sa mga alituntunin.

Ang isang nagmamaneho, kapag nahuli, ay humihingi ng paumanin sa pulis o sa traffic enforcer. Mas malala ay ang pagsabi ng humuli na “sige, pagbibigyan kita…” na tila ang kasalanan ay sa kanya at hindi sa lipunan.

Kapansin pansin na ganito rin ang sitwasyon sa mga tinatawag na ‘clearing ope­rations’ maging mula sa pamahalaang lokal o sa MMDA. Tamang ipatupad ang batas. Tamang sitahin ang mga lumalabag. Ngunit sana matanto ng mga nagpapatupad ng batas na hindi sa kanila nagkasala ang mga tao. May halong lungkot at inis ang mararamdaman mo kapag nakikita at naririnig natin ang mga kababayan nating sinisigawan at binabastos ng ilang mga nagpapatupad ng batas.

Paano natin ipapaliwanag sa kanila ang kahalintulad na paglabag ng Pangulo sa tamang asal?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy