Una sa Balita

KARTADA 5: Sungit

0 86

Imbes na kaibiganin para makatulong sa pagpapatakbo ng kanilang ahensya, sinupladahan pa ng isang miyembro ng Gabinete ang mga bagong appointees ng Palasyo ng Malacañang sa kanyang departamento at mga attached agencies.

Ito ang nabatid ni Mang Teban ukol sa pagsusungit ng Gabinete na ito sa mga bagong talagang opisyales sa kanyang departamento bago ang tila sapilitang pagpapanumpa sa kanilang tungkulin ang mga bagong appointees.

Nabatid na meron kasing sariling mga manok ang Gabinete na ito para maipuwesto at maiiwan sa ahensya kahit wala na siya sa kaniyang tungkulin dahil patapos na ang termino ng kasalukuyang administarsyon.

Subalit sa kasamaang palad hindi napili ang mga manok ng Gabinete at iba ang naappoint sa ibat ibang bakanteng posisyon sa kanyang ahensya at mga attached agencies, sa hindi malamang kadahilanan.

Dahil dito, halos ayaw harapin ng Gabinete ang mga bagong appointees dahil hindi ito nagbibigay ng petsa kung kailan sila puwedeng namumpa sa kanya at nang makapagsimula na sila sa kanilang trabaho.

Pero dahil tungkulin nitong panumpain ang mga bagong appointees sa kanilang tungkulin, may mga matataas na opisyales ng pamahalaan na ang nakialam at sinabihan ang Gabinete na gawin ang kanyang trabaho.

Sanhi nito, nagtakda ng araw ang Gabinete para panumpain ang mga bagong appointees subalit bago niya ito ginawa ay ipinahiya niya muna ang mga napili ng Palasyo ng Malacañang na tumulong sa kanya sa pagpapatakbo ng ahensya.

Sinabihan daw kasi ng Gabinete ng “Do I know you people?” at “Did I recommend you?” subalit dahil kailangang niyang gawin ang kanyang trabaho ay pinanumpa pa rin niya ang mga bagong appointees kahit halatang masama ang loob.

Pintahan niyo na: Ang Gabinete na ito ay malawak ang koneksyon kaya kahit sino ang nakaupo sa Palasyo ay nagkakaroon pa rin siya ng puwesto. Mayroon itong inisyal na B as in Barko.